ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | May 05, 2021
Dear Sister Isabel,
Isa akong pangkaraniwang maybahay, nag-aalaga sa tatlo kong anak at payapang namumuhay dito sa Masbaste.
Nasa abroad ang asawa ko at limang taon na siya roon. Nang huling tawag niya, sinabi niyang balak niyang umuwi pero hindi pa confirmed ang flight niya. Nagtataka ako dahil isang buwan na mula nang tumawag siya, pero mula noon ay hindi na siya nagparamdam. Ang sabi ng agency at kumpanya na pinapasukan niya sa abroad, nakauwi na siya rito at dalawang linggo na ang nakararaan.
Nagtanong ako sa mga magulang niya pero hindi pa raw siya dumarating. Nag-imbestiga ako at natuklasan ko na roon pala siya umuuwi sa kabit niya. Matagal na palang may karelasyon ang asawa ko rito sa Pilipinas at labis akong nasaktan sa natuklasan ko, gayundin, iyak ako nang iyak at hindi makatulog. Kasal kami ng asawa ko, ano ang dapat kong gawin? Balak kong idemanda ang asawa ko, tama ba ito?
Gumagalang,
Mayet ng Masbate
Sa iyo, Mayet,
Napakasakit ng nangyari sa iyo dahil nagtiwala ka sa asawa mo, pero niloloko ka lang pala niya. Sa ngayon ay masasaktan ka lang kung ipagpipilitan mo sa kanya mo na iwanan ang kabit niya at magsama kayong muli. Kasalukuyang nalalabuan pa ng pag-iisip ng mister mo at siguradong baliw na baliw pa sa kabit nya.
Huwag mong masyadong kunsumihin ang iyong sarili dahil darating ang panahon na iiwanan niya rin ang kabit niya at babalik sa iyo. Alalahanin mo na may tatlo kayong anak at tiyak na pahahalagahan niya ang mga anak niyo at magsasama kayong muli. Kung nagawa niyang iwanan ka, magagawa niya ring iwanan ang kabit nya. Paghandaan mo ang pagkakataong ‘yun dahil malaki ang tsansa na bumalik siya sa iyo at patawarin mo siya. Bigyan mo siya ng pangalawang pagkakataon at magsama kayong muli at mamuhay nang maayos. Huwag mo ring pabayaan ang katawan mo.
Tungkol sa tanong mo kung idedemanda mo siya, masyado pang maaga para gawin mo ‘yan. Sa aking palagay, natukso lang ang asawa mo. Sa halip na idemanda siya, hilingin mo sa Diyos na matauhan na ang asawa mo at muling ibalik sa piling n’yong mag-iina. Walang imposible sa Diyos dahil tutulungan ka Niya at muli mong makakapiling ang iyong mister.
Sa sandaling mangyari ‘yun, patawarin mo ang iyong asawa at bigyan ng pangalawang pagkakataon. ‘Ika nga, forgiveness is the key to happiness. Forgive and forget, soon you will be blessed and rewarded. Nawa’y napalubag ko ang kalooban mo at nabawasan ang kalungkutang dinaranas mo ngayon.
Matapat na sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments