ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | April 12, 2023
Kinoronahan si dating snooker specialist Denise "Denden" Santos ng Pilipinas bilang reyna ng Lion Cup 9-Ball Invitational sa palaruan ng Aspire Recreation Centre sa Singapore.
Tulad naman ng inaasahan ay dinomina ni 2022 World Games bronze medalist at dating world junior champion Aloysius Yapp ang salpukang naganap sa hanay ng mga kalalakihan.
Ang tagumpay naman ng Pinay ay nagsisilbing palatandaan ng patuloy na pag-angat ng antas ng laro nito sa larangan ngayong kasalukuyang taon.
Matatandaang kamakailan lang ay sumampa ang Pinay sa trono ng Advanced Division matapos daigin si Nadine Estrada sa Women-In-Sports 9-Ball Cup sa Maynila. Patok din noong Pebrero ang bangis ni Santos nang mangibabaw siya sa panglimang yugto ng Amit Cup sa lalawigan ng Rizal.
Sa naturang kompetisyon, dumaan sa butas ng karayom si Santos pero nakahulagpos siya sa hamon ni Flordeliza "Phoy" Andal sa gitgitang pamamaraan, 7-6, sa finals.
Sa Singapore naman, kasama sa nalusutan niya para makuha ang $1,000 na champion's purse sina Sharik Aslam Sayed, Tan Bee Yen, Soh Joleen, Sylviana Yu. Sa banggaan para sa korona, naging dikdikan ang engkuwentro. Katunayan ay nakita ang 2-2 at 6-6 na standoff pagkatapos ng 12 matches. Pero pinakawalan ni Santos ang isang 3-0 na atake para maikandado ang titulo.
Comments