ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 28, 2023
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas ngayong Year of the Water Rabbit.
Sinasabi ring dahil likas na matalino, hindi basta-basta naigugupo ng mga pagsubok at mga suliranin ang Ahas. Sa halip, kadalasan ay nagagawa nilang tawanan at balewalain ang mga problemang dumarating sa kanila. Subalit kapag nagseryoso ang Ahas, kahit gaano pa kahirap at kabigat na mga problema ay kayang-kaya niyang solusyunan, kaya sinasabi ring wala kang makikitang Ahas na bigong-bigo sa buhay dahil sa totoo lang, tulad ng nabanggit, kahit ibaon mo sa problema ang Ahas, kung gugustuhin nila, kayang-kaya nilang makaahon agad.
Dagdag pa ng sinipi nating aklat na Chinese Elemental Astrology ni E. A. Crawford et al, “The Chinese believe that the Snake is one sign who must, by hook or by crook, resolve any Karmic problems within the span of his lifetime.” Ibig sabihin, kahit kulungin mo sa rehas ng mabibigat at nakatakdang mga problema at suliranin ang isang Ahas, tiyak na babaluktutin niya nang magaan ang rehas ng mga problema, hahakbang siya palayo sa selda, parang walang nangyari at muli siyang magiging malaya at maligaya.
Sa sining, career at propesyon, may kakayahan ding makalikha ang Ahas ng masterpiece na kanyang nililok o ginawa, na bagama’t hindi a-appeal sa pangkaraniwang mga tao, sa mundo naman ng mga supistikadong tao na may malalim na kaisipan at mundo ng matatalino, tunay ngang hahangaan at pararangalan ang mga likhang sining ng isang Ahas dahil siya ay may malalim na panlasa sa sining at kulutura.
Dagdag pa rito, dahil may kakaibang magnetismo at pang-akit, na may kombinasyon pa ng mabilis at matalas gumanang isipan ng isang Ahas, bagay sa kanya ang mga propesyong may kaugnayan sa pulitika, artista, at religious leader.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, tugma sa pagkatao ng Ahas ang kasabihang, “Kapag tahimik ang ilog, tiyak na ito ay malalim.” Oo, sobrang lalim talaga ang pagkatao ng Ahas, pilit niyang itinatago ang kanyang damdamin at pagiging mahilig. Kadalasan ay nagkukuwari siyang “Okey lang,” pero ang totoo ay hindi siya okey. Sa pag-ibig ay ganundin, kung saan hindi niya ipapahalata na gusto ka niya dahil sa totoo lang, patay na patay siya sa iyo.
Minsan naman, hindi niya naipapahayag ang kanyang sarili sa natural na paraan dahil kapag umiibig siya, nagpaplano pa siya bago ipatupad ang kanyang diskarte.
Wala sa kanya ang salitang ‘act naturally’ kapag nagmamahal, subalit kung magagawa niya ang diskarte na kumilos nang natural, makakaramdam siya ng mas sarap at malasang kaligayahan na dulot ng tunay at dalisay na pag-ibig.
Dahil hindi showy ang Ahas, lumalagpas sa kanya ang masasarap na karanasan sa pag-ibig na dapat ay tinatamasa niya sa kasalukuyan, kung saan halos baliktad sila ng ugali ng isang Aso na kapag umibig ay sagad sa buto na ini-express at dinadama talaga niya ito.
Pero ang ikinaganda naman sa Ahas, sa sandaling nahulog ang loob niya sa iyo at tuluyan siyang na-in love, dahil hindi na niya nagawang itago pa ang kanyang damdamin o sabihin na nating nagkabistuhan na, sa sandaling ito ay lumalabas ang pagiging sensual at malambing ng isang Ahas.
Kaya kung tutuusin, masarap din siyang maging karelasyon at mapangasawa dahil may kakayahan siyang i-express nang todo ‘yung hilig o pagnanasa niya sa iyo sa mas malambing, mainit at masarap na paraan.
Samantala, makakabuo ng meaningful at masayang relasyon ang Ahas at Dragon, ganundin ang Tandang at Baka ay tugmang-tugma sa isang Ahas.
Magiging maayos at tugma ang relasyon ng Ahas, Kuneho at Kambing o Tupa, at kung magkakatuluyan, makakabuo rin sila ng maligaya, maunlad at panghabambuhay na pamilya.
Higit namang magiging positibo at maganda ang kapalaran ng Ahas ngayong 2023 sa buwan Abril hanggang Mayo at sa buwan ng Agosto at Setyembre, ganundin sa buwan ng Disyembre at Enero 2023.
Mapalad ang mga numerong 2, 5, 6 at 8, habang suwerteng oras naman ang alas-9:00 hanggang alas-11:00 ng umaga. Buwenas din sa Ahas ang kulay na red, green, yellow, lavender at black, higit lalo sa direksyong timog, timog-kanluran at hilagang-kanluran.
Itutuloy
Comments