top of page
Search
BULGAR

Smuggling, hoarding at panloloko, talamak.. DA, Customs at DTI, dedma! — Imee

ni Mylene Alfonso | February 8, 2023



Inamin kahapon ni Senador Imee Marcos na hindi niya maipagtatanggol ang kontrobersyal na Regional Comprehensive Economic Cooperation (RCEP) na isinusulong ng Malacañang dahil sumasalungat umano ito sa kanyang paninindigan kaugnay sa naturang usapin.

“My conscience is not clear to defend the controversial RCEP on the Senate floor as chairman of the Senate foreign relations committee,” sabi ni Sen. Imee.

Ito ang binigyang-diin ni Marcos sa kanyang pakikipag-usap sa liderato ng Senado nang ipagpatuloy ang deliberasyon ng sub-committee hinggil sa RCEP Agreement kahapon.

Ayon kay Imee, mayroon umanong puwersa na nag-uudyok na madaliin ang RCEP kung saan idinidikdik ito na para aniyang Pilipinas na lang ang hindi pa pumipirma.

“Bilang Chairperson ng Foreign Relations Committee — ginawa ko ang lahat ng pagsasaliksik, konsultasyon at pagdinig para sa sektor ng agrikultura at maliliit na negosyo,” diin ng Senadora sa kanyang inilabas na opisyal na mensahe.

“Nababahala sila na walang aalalay sa kanila sa pandaigdigang kalakalan, hindi na nga sila makahinga sa malawakang smuggling, hoarding at panloloko, hindi pa rin naibibigay ang mga pangangailangan ng mga magbubukid pansagot sa mass importation,” punto pa nito.

Sa kasamaang palad naman aniya nabibigo ang Department of Agriculture, Bureau of Customs at Department of Trade and Industry sa pagsagot sa mga naturang isyu.

“Bilang isang probinsyana, anak ng agrikultura, hindi kaya ng aking konsensya na tayuan ang RCEP kung padadapain nito ang ating mga kababayan; iminungkahi ko na bumuo ng isang subcommittee na mas hihimay sa mga saloobin ng mga magsasaka, mangingisda at mga maliliit na negosyante,” hirit ni Imee.

“Lahat ng ito ay dulot ng aking paninindigan hindi bilang kapatid ng nasa kapangyarihan, kundi bilang anak ng legasiya ng aking ama na laging unahin ang nakararami at mas nangangailangan,” diin pa ng Senadora.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page