ni Janiz Navida @Showbiz Special | April 27, 2024
OPISYAL nang pumirma ng kontrata kahapon ang TV host na si Willie Revillame para sa pagbabalik ng kanyang game show na Wowowin sa TV5.
Present sa contract signing na ginanap sa TV5 sa Mandaluyong ang MQuest and CignalTV President and CEO na si Ms. Jane Basas, TV5 President Guido Zaballero and other MQuest executives.
Wala pang ibinigay na detalye si Ms. Jane sa gagawing show ni Willie dahil pag-uusapan pa raw nila sa mga susunod na araw ang partnership nilang ito.
Pero narinig namin sa live streaming ng contract signing ang sinabi ni Kuya Wil na kung may TVJ at Eat… Bulaga! sa pananghalian, siya naman ay pang-hapunan, kaya malamang ay sa 5:30 PM time slot mapapanood ang Wowowin tulad ng unang napabalita, at mga news programs at game show ni Dingdong Dantes sa GMA-7 ang posibleng makatapat nito.
Samantala, wala pang invited media sa contract signing kaya hindi pa na-interview si Kuya Wil sa kanyang pagbabalik sa TV5.
Pero nagpauna na ito sa kanyang dialogue na "No regrets kung anumang channel ako mapunta… Kung saan ka may trabaho na maayos at tanggap ka, du'n mo pagbubutihan. Kung ano 'yung maitutulong ko sa TV5, kahit walang bayad, I'm willing to do that sa TV5."
Kasunod nito ay nagpasalamat din siya sa muling pagtanggap sa kanya ni MVP at ng TV5 para sa pagbabalik ng Wowowin.
"Marami akong ups and downs sa buhay pero ngayon, smart na ako. Sa buhay, you have to be smart. Be smart dito sa TV5," ang narinig naming sinabi ni Willie sa live streaming.
May binanggit din siyang "Darating din ang time ie-explain ko sa inyo kung bakit ganu'n," na ang gusto niyang tukuyin, kung bakit sa TV5 nga siya bumalik matapos na hindi matuloy ang show niya sa AllTV ng AMBS.
Hindi rin naman nakalimutang magpasalamat ni Kuya Wil sa GMA-7 sa kabila ng pag-alis niya sa Kapuso Network para lumipat sa TV station ni former Sen. Manny Villar.
"Gusto ko ring magpasalamat sa GMA-7, kasi 'di naman ako inalis du'n, kaya lang, may mga desisyon ka sa buhay mo na may utang na loob ka, gagawin mo. Alam n'yo, 'di nila ipinagdamot sa akin 'yung 24 million subscribers ng Facebook at YouTube kaya sa puso ko, naging Kapuso naman ako, maraming salamat."
Nagpasalamat din si Kuya Wil sa 16 million Facebook followers niya at 8 million subscribers sa YouTube na hindi siya iniwan kahit daw mahigit isang taon siyang nawala sa free TV.
'Kaaliw naman ang birong totoo ni Kuya Wil na "MVP, nagbago na ako ng cellphone, Smart na ang number ko ngayon," dahil nga nasa TV5 na siya na pag-aari ni Manny V. Pangilinan na siya ring may-ari ng Smart Telecommunications.
Anyway, big thanks kay kapatid na Wheyee Lozada sa ipinadala niyang pictures sa amin sa ginanap na contract signing.
Si Wheyee ay matagal nang trusted staff ni Kuya Wil at natulungan ng Wowowin host nang dalawang beses itong maospital.
Comments