ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | July 22, 2023
Taong 2018, sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang “Obstacles and Enablers of Internationalization of Philippine SMEs Through Participation in Global Value Chains
”, nabatid ang iba’t ibang hadlang na kinakaharap ng mga small and medium enterprises (SMEs) kung bakit napakahirap para sa kanila na makilala o maging competitive globally.
Mahalagang malaman ang mga suliraning ito ng sektor, lalo pa’t base sa datos na ipinalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2021, ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang pinagmumulan ng 99.58% ng lahat ng negosyo sa bansa. Sa nasabi pa ring datos, nakalikha ng halos 5.5 milyong trabaho ang MSMEs o 64.67% ng overall employment sa buong Pilipinas.
Kaya nga’t sa loob ng maraming taon, mula nang sumikad ang MSME’s, patuloy ang pagsisikap ng gobyerno na mapalakas ang nasabing sektor, hindi lang para sa kanilang patuloy na operasyon kundi para maakay ito sa mas malawak at malaking merkado.
Ilan sa mga hadlang na nabatid sa pag-aaral ng PIDS ay ang mga isyu sa pananalapi; kakayahang pang-teknolohiya; kakayahang makapasok sa mga pamilihan; business environment; ease of doing business, at marami pang iba.
Isa rin sa natuklasan ng PIDS ang kakulangan ng sektor sa isang national quality infrastructure (NQI) na mahalaga sa pagpapalago ng SMEs na magsisilbing daan upang sila ay maging export-ready businesses. Napakahalaga na maresolba ang mga usaping ito lalo pa’t patuloy ang paglaki ng papel ng bansa sa globalisasyon.
Kamakailan, sa 2023 National MSME Summit na pinangunahan ng Department of Trade and Industry o DTI, nagpahayag si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na kailangang siguruhing matutulungan ang MSMEs upang lumago ang kanilang mga negosyo at magkaroon ng pagkakataong makipagkompitensya sa pandaigdigang pamilihan.
Nakalulungkot ding malaman na base sa 2021 data ng International Trade Center, malaking oportunidad ang nasasayang ng Pilipinas na kung napagtuunan lamang anila ng pansin ay kakayanin nating makapag-export at kumita ng halagang $49 bilyon o tinatayang P2.6 trilyon. Napakalaking tulong sana nito sa ating ekonomiya.
Malaking bahagi ng kabiguang ito ay ang bagsak na kakayahan ng ating mga produkto at serbisyo na hindi pumapasa sa kinakailangang kalidad para makapasok sa malawakang pamilihan.
Bagaman taglay ng gobyerno ang iba’t ibang institusyon, bureau at laboratoryo na maaaring malapitan para sa accreditation, certification and testing, hindi pa rin nito napadadali sa SMEs ang makapag-avail ng mga nabanggit dahil sa iba’t ibang pahirap na nararanasan nila. Partikular na binanggit ng PIDS ang iba’t ibang regulatory bodies na hiwa-hiwalay ng departamento na nagpapahirap sa SMEs na makakuha ng kinakailangang akreditasyon o pagkilala.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit naghain tayo ng isang panukalang batas, kasama si Majority Floor Leader Joel Villanueva, ang Senate Bill 628, habang inihain naman ni Sen. Jinggoy Estrada ang SB 793 upang maresolba ang mga problemang ito ng SMEs, kung saan layunin nating bumuo ng isang National Quality Policy.
Sa ilalim ng panukalang ito, lilikhain ang Philippine National Quality Policy habang ang Philippine National Quality Infrastructure ay mas bibigyang linaw upang mas mahulma ang kalidad ng mga produkto at serbisyo na available sa ating domestic markets, gayundin ang mga produkto na nakalaan para sa eksportasyon. At para maisakatuparan ang mga layunin sa ilalim ng panukala, kailangan din ang paglikha sa isang Philippine National Quality Infrastructure Coordination Council (PNQICC) kung saan magiging co-chair ang mga kalihim ng DTI at ng DOST. Aatasan ang kanilang mga tanggapan na ipatupad ang mga nabanggit na polisiya.
Tiwala tayo na sa pamamagitan ng panukalang ito, mapalalakas natin ang kakayanan ng SMEs at magkakaroon sila ng pagkakataong maging export-ready sa mga darating na panahon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments