top of page
Search
BULGAR

Slot for sale sa COVID-19 vaccine, bawal!

ni Ryan Sison - @Boses | May 14, 2021



Kasabay ng pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19 sa bansa ang pagpapatuloy ng vaccination program ng pamahalaan.


Kani-kanyang diskarte na rin ang mga local government units (LGUs) para mabakunahan ang nasa priority list ng Department of Health (DOH) na kabilang sa A1, A2 at A3 categories na siyang mga pinakadelikado at lantad sa virus.


Ngunit sa kabila ng mahigpit na pagsunod ng LGUs sa priority list, talagang may ilan tayong kababayan na atat mabakunahan.


Kaugnay nito, kamakailan ay nagbabala ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa publiko na mag-ingat sa mga taong nais pagkakitaan ang vaccination program.


Ang babala ay kasunod ng ulat na natanggap ng pamahalaan hinggil sa modus na pag-aalok ng slot para sa pagpapabakuna sa pamamagitan ng social media at panghihingi ng bayad.


Paglilinaw ng LGU, ang may mga kumpirmadong slot lamang mula sa Taguig City Health Office ang maaaring mabakunahan sa vaccination site.


Bagama’t hindi talaga nawawala ang posibilidad na may manamantala sa vaccination program, nakadidismaya dahil heto at nangyayari na pala.


Kung tutuusin, ito ang mga nais nating maiwasan dahil ‘ika nga, kahit ano’ng kalamidad at kahit pandemya pa ‘yan, talagang may nananamantala.


Totoong madiskarte tayong mga Pinoy, pero utang na loob, gamitin ito nang tama at iwasang manlamang ng kapwa. Hindi na nga kayo nakatutulong sa pandemya, dagdag-problema pa.


Kaya paalala sa taumbayan, huwag basta maniwala sa mga ganitong alok. Tiyakin munang lehitimo ang impormasyon bago maniwala.


Samantala, panawagan sa mga kinauukulan, tugisin at tiyak na maparurusahan ang mga nasa likod ng modus na ito dahil hindi puwedeng mapakinabangan ng mga kawatan ang ganitong gawain.


Tandaan na nasa kalagitnaan tayo ng laban kontra pandemya, kaya sa halip na maglamangan, kailangan nating magtulungan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page