ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 18, 2020
Nitong mga nakaraang araw, medyo nagulat tayo sa pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III. ‘Yun ngang aking barber, parang natulala. Saan daw ba inapuhap ni Sec. Duque ‘yung pahayag niya?
Kung ating maaalala, ang sabi kasi ng ating Kalihim, “We have successfully flattened the COVID-19 curve since April.” Ang tinutukoy niya, ‘yung kurba raw ng grapiko na nagpapakita sa mabilis na galaw ng COVID cases sa bansa, pumapatag na.
Ang kaso ng COVID ngayon dito sa ating bansa, ngayong oras na tinitipa natin ang kolum na ito, pumapalo na sa mahigit 61,000 at tiyak na tataas pa sa mga susunod na araw. Hindi natin ipinapanalangin ang pagtaas, pero hindi rin magmimilagro na bigla itong bababa o titigil. Realidad lang po.
Kung ibabase natin sa mga pigurang ‘yan ang sinasabing flattened curve, parang kahit saan natin siguro sipatin, hindi natin makikita. ‘Ika nga, ‘Saang banda ‘yung sinasabing flattened’?
Ang sabi ni Sec. Duque, ito raw pahayag niyang ito ay dahil ang case doubling time at ang mortality doubling time noong Abril ay napunta sa klasipikasyong moderate o bumagal.
Sabi niya, bago raw maideklara ang ECQ, ang mga kaso ay tumataas kada dalawang araw, kumpara raw sa ngayon na sa loob daw ng 12 days saka pa lamang tumataas ang mga kaso.
Nagawa raw nating maipatag sa hanggang 220 cases per day ang COVID.
Marahil, napansin ng ating butihing kalihim na marami ang nabigla sa kanyang pahayag kaya bigla siyang kumambiyo. At ang sabi naman niya, nagkaroon ng curve “bent” ang COVID cases noong Abril dahil sa lockdown.
Ang ibig niyang sabihin, lumiko raw ‘yung kurba o bumaba ang COVID cases noong magpatupad ng lockdown ang gobyerno. Kumalma raw ‘yung bilis ng pagdami ng kaso. Pero bigla raw ulit tumaas nang mag-relax tayo ng lockdown. Ganyan ang paliwanag ng ating sekretaryo.
Siguro, kung noong mga ilang linggong nakaraan pa sinabi ni Sec. Duque ang “flattened curve”, baka may naniwala pa. Pero kung ngayon ito ipahahayag ng ating butihing kalihim, tila, nagbibigay ito ng maling impormasyon sa publiko.
Walang masama na bigyan natin ng pag-asa ang ating mga kababayan — na maging positibo sa kabila ng pandemyang ito. Pero para sa inyong lingkod, ang pagbibigay ng pag-asa sa publiko ay dapat nakabase sa katotohanan o realidad lamang. Huwag tayong magbigay ng false hope. Maging makatotohanan tayo sa pagbibigay ng impormasyon sa mamamayan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co
Comentarios