ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | March 30, 2022
TINABLA ni Willie Revillame ang Bilyonaryo website sa ulat nilang gusto niyang bumalik sa GMA-7 dahil hindi pa raw makakapagsimula ang Advanced Media Broadcasting System o AMBS na pag-aari ng pamilya Villar.
Lumabas sa isang news website noong March 26 na nagpaparamdam daw ang Wowowin host sa mga executives ng GMA. Nasambit pa na nagsisisi na ang host sa pag-iwan niya sa nasabing network.
Nitong March 28, Lunes, ay nagsalita na si Willie sa Wowowin: Tutok Para Manalo Facebook at YouTube Live para klaruhin ito.
“Hindi ko na papatulan ang mga negative. Kung nakakabasa kayo ng fake news, huwag na lang pansinin ‘yan. Naku, mahirap na lang magsalita.
“Hindi ako naaapektuhan diyan, whatever you say, alam namin kung ano ang totoo, ang programang ito ay gumagawa ng paraan para makatulong sa mga kababayan.
“Saka, huwag n'yo ako isusulat sa Bilyonaryo (website), hindi ako bilyonaryo, hindi ako businessman na bilyonaryo. Simple lang po ako, masinop lamang ako sa buhay.
“Last week, may mga lumalabas sa diyaryo, sa mga Bilyonaryo na news diyan. Dapat reliable ang source n'yo, kasi nape-fake news kayo.
“Sayang lang 'yung news n'yo, isulat n'yo ako nang isulat, kahit anong sabihin n'yo sa akin, masama, walanghiya, wala sa akin ‘yan.
“Basta alam ng Diyos, alam ng aking mga nakakasama kung ano ang pagkatao ko at kung ano ang totoo. 'Di ba, 'yun ang importante?” diin ni Willie.
Samantala, malaki ang ipinagpapasalamat ni Willie dahil kahit wala na siya sa TV ay sinundan siya ng Shopee sa YT at FB dahil nag-research at gumawa ng survey at napag-alaman nila sa mga tao na nakilala ang e-commerce platform dahil sa Wowowin, kaya sabay sigaw ng host ng, ‘Salamat Shopee."
“Malay n’yo, ibalik natin ang Pera o Kahon kasama natin ang Shopee? At Randy Santiago at John Estrada 'pag okay na, gagawa na tayo ng (production) number,” masayang anunsiyo ni Willie.
At kapag nagkaayos sila ng Shopee ay madaragdagan ang mga papremyo niya sa mga sumusubaybay araw-araw bukod sa android cellphones.
Comments