ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 13, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Talen na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nag-away kami ng mister ko, tapos napanaginipan kong lumayas siya at pumunta sa kabit niya. Sinundo ko siya at sumama sa akin pauwi.
Sa ngayon, nag-aalala ako na baka nga may kabit ang asawa ko, pero mabait siya at hindi naman babaero. Ano ang masasabi n’yo sa panaginip ko?
Naghihintay,
Talen
Sa iyo, Talen,
Alam mo, kapag bitin ang pag-aaway ng mag-asawa, sa gabi ay mapapanaginipan ng isa sa kanila ang maaaring posibleng karugtong, pero mula lang sa kanyang kathang-isip.
‘Yan mismo ang nangyari sa iyo, nag-away kayo ng mister mo, pero sa pag-aaway n’yo, puro away lang at walang pinag-awayan o hindi n’yo napag-awayan ang dahilan kung bakit kayo nagkagalit. Kaya minsan, maganda ang pag-aaway na hindi bitin dahil pagkatapos ng away, maaaring maresolba ang isyu.
Huwag kang magkakamali na ang away na hindi bitin ay ‘yung masasaktan nang pisikal ang isa sa kanila o pareho silang magkakasakitan. Kumbaga, sa pag-aaway, dapat may isyu o pag-uusapan na uubos ng mahabang oras sa pagdedebate o pagtatalo na para bang ang paliwanagan ay tila wala nang katapusan.
Muli, likhang-isip mo lang ang may kabit ang asawa mo. Ipanatag mo ang iyong kalooban. Mayroong higit na maganda kaysa sa away na hindi bitin at ito ay ang huwag na kayong mag-aaway. Puwede namang pag-usapan ang mga hindi pinagkakasunduan at habang nag-uusap, dapat din ay lawakan ang pang-unawa.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments