9-anyos, hirap magsalita at huminga, lumabas pa ang puting likido sa bibig bago nag-dead-on-arrival sa ospital
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 11, 2020
Ang salitang prerogative ay tumutukoy sa kaukulan o tanging karapatan na magsagawa ng mga aksiyon na makatwiran at makatarungan. Kaya naman inaasahan na alinsunod sa batas ang isang aksiyon na isinagawa gamit ang nasabing prerogative. Ngunit bakit hindi naaayon sa wastong kahulugan ng salitang ito ang ginawa ng isang senador sa 2021 budget ng Public Attorney’s Office (PAO), kung saan apektado ang PAO Forensic Laboratory Division (PAO-FLD) employees, na tinalakay sa nakaraang artikulo?
Protektado ng batas, halimbawa ng ating Konstitusyon ang karapatan ng nasabing mga permanenteng kawani ng PAO-FLD sa kanilang suweldo at iba pang benepisyo.
Nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 1 ng ating Konstitusyon na “Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan o ari-arian ang sinumang tao nang hindi kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sinumang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.” Ngunit bakit tila balewala sa nasabing senador ang magiging epekto nito sa mga pamilya at kaso ng PAO na itinataguyod ng mga naturang PAO-FLD employees? Bakit tila sila ay pinag-iinitan? Dahil ba sila ang itinuturing na “holders of evidence”? Sila ang tinaguriang holders of evidence ng isang magiting na Pilipinang doktor na si Dr. Rolaiza Singayao, na bagama’t nagtatrabaho sa Oman ay ramdam na ramdam ang malasakit at dinig na dinig ang makabayang tinig sa pamamagitan ng pagsusuporta sa Dengvaxia cases, at lahat ng mga kliyente ng PAO na nangangailangan ng aming paglilingkod. Ani Dr. Singayao, “Protect the holders of evidence on the 159 Dengvaxia deaths.” Batid ni Dr. Singayao ang kahalagahan ng papel ng mga ginigipit na PAO-FLD doctors at kasama nilang mga kawani, gayundin ang nasabing senador. At dahil ba sa kabatirang ito kaya siya gumawa ng paraan upang sagkaan at hindi mabigyang-daan ang pagpipresenta ng mahahalagang ebidensiya na may kaugnayan sa Dengvaxia? Ipaglalaban namin hanggang Kataas-taasang Hukuman, kung kinakailangan, ang karapatan ng aming PAO-FLD employees na kasalukuyang niyuyurakan. Ang laban namin para sa kanila ay laban sa lahat ng kliyente ng PAO na nangangailangan ng kanilang forensic services, tulad ng mga labi noon ni Enjay Ivon M. Serrano.
Si Enjay Ivon ay 9-anyos nang namatay noong Abril 9, 2018 sa isang ospital sa Cavite. Siya ang ika-44 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Enjay Ivon ay anak ni Aling Vaneza Masalig, ngunit sa kanyang lola na si Aling Virginia Masalig siya nakatira tuwing siya ay may pasok sa eskuwelahan.
Oktubre 2017, nabigyan ng papel na pinapipirmahan hinggil sa Dengvaxia si Aling Virginia, bagama’t napirmahan ito ay naiwan niya sa isang mesa. Nang maturukan si Enjay Ivon sa kanilang eskuwelahan, hindi niya agad sinabi ito sa kanyang lola, pero nagsabi siya kinaumagahan. Kanyang ipinakita kay Aling Virginia ang parte ng balikat na naturukan ng Dengvaxia at nakita ang turok at pantal sanhi ng pagbabakuna.
Pinagalitan ni Aling Virginia ang kanyang apo sa pagpapaturok. Mga pangalawang linggo ng Disyembre 2017, nag-umpisang makaranas si Enjay Ivon ng pananakit ng ulo. Dinala siya sa doktor, ngunit wala namang nakitang abnormalidad sa kanya. Noong huling linggo ng nasabing buwan nang siya ay magkatrangkaso. Umabot ng dalawang araw ang trangkaso niya na nawawala naman sa tuwing pinaiinom siya ng paracetamol.
Sinabayan ‘yun ng pananakit ng ulo na para umanong binibiyak ito sa sakit. Noong Pebrero 2018, madalas na matamlay at nanghihina si Enjay Ivon. Pagdating ng Marso 2018 hanggang Abril 9, 2018, lumala ang kondisyon ni Enjay Ivon, at ito ay humantong sa kanyang kamatayan. Nakalahad sa ibaba ang ilan sa mga kaugnay na detalye:
Huling linggo ng Marso 2018 - Sumakit na naman ang ulo at tiyan ni Enjay Ivon, at siya ay nagsusuka rin ng malapot at may halong kulay berdeng likido. Umiitim din ang paligid ng kanyang mga mata. Naging pabalik-balik na ang matinding pananakit ng kanyang ulo, tiyan at pagsusuka.
Abril 4 at 5, 2018 - Buong araw na nakaranas ng matinding pananakit ng ulo at pagsusuka si Enjay Ivon. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng dibdib at hirap sa paghinga. Nagpatuloy ito hanggang Abril 5, 2018 kung saan nagsuka siya ng tatlong beses.
Abril 9, 2018 - Alas-9:00 ng gabi nang siya ay nagreklamo ulit ng matinding pananakit ng ulo. Siya ay nagsusuka at pautal-utal kung magsalita. Sinabihan din niya ang kanyang pamilya na napapagod at nahihirapan na siya. Ilang sandali lamang ay bigla siyang naduwal at naghabol ng hininga. Biglang tumulo ang puting likido sa kanyang bibig. Tila nagngingitngit si Enjay Ivon at hirap nang magsalita at huminga. Pagkatapos nito ay huminga siya nang malalim at biglang nahiga. Bahagyang nakamulat ang kanyang mga mata at hindi na gumagalaw kahit ano’ng pilit siyang gisingin nang panahong ‘yun. Dahil doon, agad siyang isinugod ng kanyang pamilya sa isang ospital sa Cavite. Pagkadating sa nasabing ospital, kinabitan siya ng suwero at sinubukang i-revive, subalit sinabi ng mga doktor na siya ay dead-on-arrival.
Ipinagkatiwala ng mga magulang ni Enjay Ivon ang pagsusuri sa mga labi nito sa mga kawani ng PAO-FLD kung saan ang mga doktor nito, at si Atty. Erwin P. Erfe, MD, ang siyang may karapatan at kakayanan na tumestigo sa korte hinggil sa sinapit ng kanilang anak at iba pang mga biktima.
Ang inyong lingkod naman, kasama ang special panel of public attorneys ang patuloy na magtatanggol sa mga karapatang legal ng pamilya ni Enjay Ivon na ngayon ay naghahabla at aming sinasamahan sa paglaban sa ngalan ng hustisya.
Comments