ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 28, 2022
Dear Doc Erwin,
Kamakailan ay na-diagnose ako ng aming company physician na ako ay may “migraine”. Nagreseta siya ng gamot at ito ay iniinom ko tuwing sasakit ang aking ulo. Ano ba ang migraine? Ano ang dapat kong gawin upang maiwasan ang atake nito? - Alma
Sagot
Maraming salamat Alma sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang Migraine ay isang uri ng sakit na may iba’t ibang sintomas. Maaaring makaramdam kirot, pagkapagod, pagsuka, pamamanhid, pagiging irritable, pansamantalang pagkawala ng paningin at iba pa. Ang pangunahing sintomas nito ay matinding sakit ng ulo. Ang pagkilos, ilaw, tunog o anumang amoy ay maaaring makapag-trigger ng migraine. Maaaring tumagal ang migraine ng apat na oras hanggang ilang araw.
Ayon sa mga dalubhasa, may mahigit sa 150 uri ng sakit ng ulo at may iba’t iba uri rin ng migraine. Isang uri ng migraine ay may kasamang “aura”, kung saan maaaring makakita ng flashing lights o kaya’y blind spots bago sumakit ang ulo. Mayroon ding tinatawag na “common migraine”, kung saan sakit lamang ng ulo at walang aura na mararamdaman. Maaari rin magkaroon ng migraine na may aura ngunit hindi sumasakit ang ulo, ang tawag dito ay “silent migraine”. Isang matinding uri ng migraine ay ang tinatawag na “status migrainosus”, kung saan nakararanas ng matinding sakit ng ulo ng mahigit sa 72-oras.
Naniniwala ang mga scientists na ang kombinasyon ng genetic at environmental factors ang maaaring dahilan ng migraine. Sa scientific article na inilathala sa journal na Neuron noong May 2018, nadiskubre ng mga researchers na ang indibidwal na may migraine ay may mutations sa ilang genes.
Ayon sa mga pag-aaral, kung ang isa sa mga magulang mo ay may migraine, may 50% na probabilidad na ikaw ay magkaroon ng migraine. Kung ang iyong ama at ina ay parehong may migraine ay tataas sa 75% ang posibilidad na ikaw ay magkaroon ng migraine.
Mas madalas ang migraine sa kababaihan, lalo na sa edad ng 15 hanggang 55. Madalas din nagkakaroon ng migraine ang indibidwal na stressful ang trabaho at sa mga smokers.
Ayon sa mga neurologist na dalubhasa sa migraine, may mga dapat gawin upang makaiwas sa atake ng migraine. Ang emotional stress tulad ng anxiety, excitement at worry ay maaaring mag-trigger ng migraine attack, kaya’t pinapayuhang umiwas sa mga ito.
Umiwas din sa mga pagkain na cheese, chocolate, mga pagkain na may nitrates, tulad ng hotdog at luncheon meat, at mga fermented at pickled foods. Kailangang umiwas din sa sobrang exercise, kakulangan sa tulog at mag-ingat tuwing nagbabago ang panahon. Ang mga ito ay maaaring magdulot ng migraine.
Bagama’t ang coffee ay nakatutulong sa acute migraine attack, ang pag-inom ng maraming coffee o kaya ang biglang pagtigil ng pag-inom ng coffee ay maaaring mag-trigger ng migraine attack. Tandaan, ang madalas na pag-inom ng pain relievers, ang ilaw galing sa flashlight at computer ay maaaring mag-trigger ng atake ng migraine, ganun din sa panahon ng menstrual period.
May iba’t ibang uri ng gamot sa migraine, tulad ng sumatriptan, verapamil, atenolol, amitriptyline, valproic acid, steroids at phenothiazines. Makatutulong din ang pag-inom ng Vitamin B2, magnesium at Co-enzyme Q10.
Maaaring ilan dito ay inireseta ng inyong company physician at kasalukuyan mong iniinom. Makabubuti na sumangguni sa iyong doktor kung nais na uminom ng ilan sa mga nabanggit na gamot.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments