top of page
Search
BULGAR

Sintomas, sanhi, at klasipikasyon ng kanser sa baga

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 26, 2020




Dear Doc. Shane,


Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa kanser sa baga? Malakas kasing manigarilyo ang asawa ko pero wala naman daw siyang nararanasang anumang sintomas. – Lucy


Sagot


Ang mga pangunahing sintomas ng kanser sa baga ay nangyayari sa mga sintomas ng iba’t ibang uri ng sakit sa baga. Upang gumaling mula rito, ang pasyente ay maaaring sumailalim sa operasyon, chemotherapy at iba pa.


Ang kanser sa baga ay nahahati sa dalawang uri: ang small cell lung cancer at non-small cell lung cancer.

  • Small cell lung cancer (SCLC). Bagama’t hindi ito ang pinakalaganap na uri, itinuturing na SCLC ang pinakamapanganib sapagkat makararamdam lamang ang pasyente ng mga sintomas kapag ito ay malala na.

  • Non-small cell lung cancer (NSCLC). Ito ay itinuturing na pinakalaganap na uri ng kanser sa baga.

Bukod dito, nahahati sa tatlong uri ang sakit na ito:

  • Adenocarcinoma. Ito ang pinakalaganap na uri ng NSCLC. Nagkakaroon nito kapag labis na naninigarilyo ang tao. Subalit, maging ang mga hindi naninigarilyo ay posibleng magkaroon nito. Kadalasan, ang maliliit na bukol ng kanser sa baga ay tumutubo sa may bandang labas o tagiliran ng mga baga. Bagama’t pinakalaganap na uri, ito ay may malaking posibilidad na gumaling kaysa sa ibang uri ng kanser sa baga.

  • Squamous cell carcinoma. Ang cancer ay nag-uumpisa sa bandang gitna ng mga baga. Sa paglala nito, ito ay unti-unting lumalaki at kumakalat sa mga lymph node. Ang lymph node o kulani ay bahagi ng katawan na tumutulong upang labanan ang iba’t ibang uri ng impeksiyon at sakit. Kapag ito ay naapektuhan ng kanser sa baga, ang pasyente ay mas magiging sakitin.

  • Large cell carcinoma. Ito ay halos natutulad sa adenocarcinoma. Subalit, imbes na maliliit na bukol ay malalaki ang mga bukol nito. Ang large cell carcinoma ay mabilis ang pagkalat at posible ring maka-apekto ng mga lymph node.


Sanhi:

  • Paninigarilyo

  • Paglanghap ng usok ng sigarilyo

  • Pagkalantad sa asbestos

  • Pagkaka-expose sa radon gas

  • Madalas na paglanghap ng maruming hangin

  • Iba pang karamdaman sa baga

  • Medical history ng pamilya


Sintomas:

  • Hindi mawala-walang pag-ubo

  • Pag-ubo nang may kasamang dugo

  • Pagkapaos

  • Hirap sa paghinga

  • Paninikip ng dibdib

  • Biglaang pangangayayat

  • Labis na panghihina

  • Pagkakaroon ng mga bukol malapit sa balikat

  • Paninilaw ng balat

  • Pananakit ng mga buto at kasu-kasuan

  • Pamamanhid

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page