ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 21, 2020
Dear Doc. Shane,
Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa sakit na myoma? Ang sabi ng kapatid ko ay may mayroon daw siya nito kaya madalas at malakas ang kanyang regla. Ano ba ang sanhi nito? – Helen
Sagot
Tinatawag na mayoma (myoma) o uterine fibroid ang tumutubo na parang bukol sa loob o labas ng sinapupunan o matris)—hindi ito cancer.
Hindi pa tiyak ang dahilan nito, subalit may impluwensiya ang estrogen at progesterone hormones sa paglaki nito.
Karamihan sa mga mayroong myoma ay hindi kakikitaan ng anumang sintomas. Kung may sintomas man, ito ay kadalasang hindi malala at hindi kailangang gamutin. Marami rin sa mga myoma ay lumiliit o nawawala nang mag-isa sa pagsapit ng menopause.
Sintomas:
Abnormal, malakas at matagal na regla
Bleeding at spotting sa pagitan ng mga menstrual period
Anemia o kakulangan ng dugo dahil sa sobrang regla
Masakit na tiyan, baywang o likod habang nagtatalik
Madalas at hindi mapigilang pag-ihi
Madalas na urinary tract infection (UTI)
Constipation
Hindi mabuntis
Problema sa panganganak tulad ng premature labor, miscarriage o abortion
Mas maigi na magpakonsulta agad sa doktor kung:
Masyadong malakas ang inyong regla
Kung biglang sumakit ang inyong pagreregla
Kung madalas at masakit ang pag-ihi, may dugo sa ihi o walang kontrol ang pag-ihi
Kung humahaba at iregular ang inyong menstrual cycle
Kung sumasakit na ang inyong puson
Samantala, matapos ang pelvic exam, maaaring magpagawa ang inyong doktor ng pelvic ultrasound o kaya MRI kung kakailanganin.
Kapag malaki na ang myoma at malala na ang mga sintomas nito tulad ng hindi mabuntis, miscarriage, sobrang bleeding, pelvic pain, anemia at iba pa, kailangan na itong alisin.
Kung maaari, ang bukol o myoma lamang ang aalisin. Ang tawag dito ay myomectomy. Ngunit kung minsan ay dapat alisin din pati ang uterus kaya hysterectomy na ang gagawin.
Huwag kayong matakot na ipatanggal ito kasama ang uterus lalo na kung tapos na ang panahon ng panganganak. Malaking ginhawa ang maidudulot ng pag-alis nito sa inyong pangkalahatang kalusugan at pagkilos.
Sna PO my sumagot slmat
After magparaspa ppwde p Po b aqng mabuntis?