top of page
Search
BULGAR

Sintomas ng sakit sa bato

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 31, 2021





Dear Doc. Shane,


Ang pagkakaroon ba ng mataas na creatinine ay sintomas ng sakit sa bato? Paano malalaman kung apektado na ang kidney? – Aura


Sagot


Kung may mga sintomas ng sakit sa bato, isa sa mahalagang pagsusuri na ipagagawa ng doktor ay ang blood chemistry o pagtingin sa sample ng dugo para makita ang iba’t ibang kemikal na naroon. Mahalagang malaman kung normal ang kanilang mga antas. Mahalaga rin ang sukat ng creatinine. Ang normal na sukat ng creatinine ay 0.6 hanggang 1.2 milligrams per deciliter sa mga kalalakihan at 0.5 hanggang 1.1 mg/dL sa kababaihan. Kung mataas ang creatinine, nangangahulugang maaaring may dipirensiya ang bato. Bagama’t, hindi puwedeng ito lamang ang gawing basehan para masabing may problema ang bato. Ang BUN o blood urea nitrogen ay isa ring sukat na mahalagang tingnan. Base sa creatinine, maaaring ma-compute ang glomerular filtration rate (GFR) na siyang sukat ng kakayahan ng mga bato na salain ang mga dumi ng katawan.


Bukod sa blood test, ang urinalysis o pagsusuri ng ihi ay mahalaga rin upang makita kung may protina o dugo sa ihi. Minsan, sinusukat din ang dami ng ihi sa loob ng 24-oras upang makita kung gumagana nang maayos ang mga bato.


Sa ilang mga kaso ng sakit sa bato, mahalagang makita kung ano ang hitsura ng mga bato at ang mabisang paraan ay ang paggamit ng ultrasound. Kung malala na ang sakit sa bato, maaaring mag-iba ang hugis ng mga ito at magmukhang kulubot. Bukod sa ultrasound, puwede ring CT scan ang ipagawa para masilip ang mga bato.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page