ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 29, 2021
Dear Doc. Shane,
Maaari ba ninyong pakitalakay ang tungkol sa brain aneurysm? Ano ang sanhi at sintomas nito? Madalas kasing sumakit ang aking ulo. Ayoko pang mamatay dahil may anak akong maliliit pa. – Geneva
Sagot
Ang brain aneurysm ay mahina at lumolobong bahagi ng ugat sa utak. Kadalasan ay walang sintomas ang brain aneurysm. Kapag pumutok ang brain aneurysm, tatagas ang dugo sa buong utak. Maiipon ang dugo sa subarachnoid space at maaari itong magdulot ng stroke. Maaaring mamana ang posibilidad ng pagkakaroon ng aneurysm o maaari itong maging resulta ng pagkapal ng ugat (atherosclerosis) dahil sa cholesterol at pagtanda. May ilang mga bantang salik na maaaring magdulot ng brain aneurysm.
Karamihan dito ay makokontrol natin at kayang maiwasan.
Narito ang mga karaniwang dahilan ng brain aneurysm:
family history
previous aneurysm
mas mataas ang tsansang magkaroon ng brain aneurysm ang kababaihan
may mataas na panganib na magkaroon ng aneurysm ang mga African-American
may altapresyon
naninigarilyo, dahil ito ay nakapagpapataas ng blood pressure
may brain injuries
may mataas na LDL cholesterol
Kadalasan ay walang sintomas ang brain aneurysm, pero maaaring makaranas ng sintomas kapag nagdudulot ng pressure ang lumobong ugat sa utak.
Maaaring makaranas ng sakit ng ulo, panlalabo ng mga mata, hirap sa pagsasalita at sakit sa leeg.
Kapag pumutok ang brain aneurysm, kailangang tumawag agad ng emergency o dalhin sa pinakamalapit na ospital ang pasyente.
Ang sintomas ng pumutok na brain aneurysm ay biglaan at sobrang sakit ng ulo, sakit sa leeg, pagkahilo, pagsusuka, nagiging sensitibo ang mga mata sa liwanag, nawawalan ng malay, seizures, dilated o malaking pupils at bumabagsak ang talukap ng mga mata.
Comments