top of page
Search
BULGAR

Sintomas at solusyon sa caffeine dependence

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| June 27, 2022



“Adik sa kape”. Pamilyar ba kayo sa term na ‘yan?


Well, knows n’yo ba na hindi naman talaga nakaka-adik ang kape, bagkus, nagiging sanhi ito ng dependency?

Bagama’t ‘di natin itinuturing na “drug” ang caffeine, sey ng experts, kung tutuusin ay puwede itong ituring na ‘droga’ dahil ito ay stimulant na nakakaapekto sa ating central nervous system.


Ang totoo nga, isa ito sa mga “most commonly used drug in the world” at nasa 90% ng adults sa North America ang kumokonsumo ng caffeine araw-araw.


Gayunman, ayon sa mga eksperto, 400mg ng caffeine o katumbas ng apat na tasa ng kape ang pinaka-safe na makonsumo kada araw. Ngunit kung labis pa rito ang kinokonsumo mo o kaya naman, pakiramdam mo ay hindi ka makapag-function kung walang caffeine, beshie, posibleng may “caffeine dependence” ka na, pero bilang paglilinaw, hindi ka “addict”. Okie?


Samantala, anu-ano ang mga dapat malaman tungkol sa caffeine dependence at paano magbabawas ng kinokonsumong caffeine?


Sey ng experts, mali ang paggamit ng term na “caffeine addiction”, at bagama’t maaari umanong magresulta sa physical dependence ang caffeine use, hindi ito maaaring mauwi sa addiction.


Para mas malinaw, ang pangunahing senyales ng caffeine dependency ay hindi ka makapag-function nang walang caffeine. Dagdag pa rito, ‘pag walang “caffeine fix”, possible umanong magkaroon ng withdrawal symptoms pagtapos ng 12 oras mula sa huling caffeine intake. Narito ang ilan pang sintomas:

  • Headache o pananakit ng ulo

  • Fatigue o pagkapagod

  • Irritability o pagkairita

  • Brain fog o hindi makapag-isip nang maayos at hirap magpokus

  • Nausea o pagkahilo


Samantala, beshie, kung napagdesisyunan mo nang magbawas ng caffeine intake, narito ang ilang paraan para sa’yo:


1. CAFFEINE DIARY. Kung ikaw ay kumokonsumo ng maraming caffeine, makakatulong kung irerekord mo kung gaano talaga karami ang iyong nako-consume kada araw. Paliwanag ng mga eksperto, nakakatulong ito upang ma-track ang eskaktong dami ng caffeine intake, gayundin, upang mas maunawaan mo kung bakit ka naghahanap nito.

Sa isang pag-aaral noong 2016, ang mga excessive caffeine drinkers o ang mga kumokonsumo nang 600mg of caffeine kada araw ay nakapagbawas ng consumption sa tulong ng caffeine diary at counseling.


2. DECREASE CAFFEINE GRADUALLY. Upang maiwasan ang withdrawal symptoms, inirerekomenda ang unti-unting pagbawas ng caffeine intake. Halimbawa, magbawas ng isang cup kada isa o ilang araw. Bagama’t hindi natin tinatanggal ang posibilidad na makaranas ka ng withdrawal symptoms, hindi naman ito magiging malala.


3. HUMANAP NG ALTERNATIBO. Inirerekomenda rin ang ilang inumin na may mas mababang caffeine content. Halimbawa, black o green tea, dahil mas kaunti ang caffeine content ng mga ito kung ikukumpara sa kape o energy drinks.


4. MATULOG. Ayon sa mga eksperto, hindi kape ang panlaban sa mababang energy kundi sapat na tulog. Dahil dito, inirerekomenda ang quality sleep sa halip na nap o idlip lamang, gayundin ang pagkakaroon ng consistent bed time para ma-recharge ang energy at maiwasan ang sobrang pagkonsumo ng caffeine kinabukasan.


5. STAY HYDRATED. Ang pagkonsumo ng sapat na dami ng tubig ay nakatutulong upang “matunaw” ang caffeine sa katawan, gayundin upang ma-detoxify ng kidney ang caffeine.


Baka akala natin, “goods” o normal pa ang madalas na paghahanap natin ng kape o caffeine, pero hindi na pala. And worst case scenario ay maging sanhi pa ito ng ibang sakit.


Kaya paalala sa lahat, hindi naman natin sinasabing tuluyang tanggalin ang caffeine sa inyong buhay. Bagkus, ipinaaalala lang natin na ang lahat ng sobra ay nakakasama.


Kung sa tingin mo ay nagiging caffeine dependent ka, hinay-hinay muna at itsek ang iyong mga nararamdaman. At para mas sure, kumonsulta sa doktor dahil alam nila ang mga dapat gawin.


Okie?

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page