ni Lolet Abania | March 2, 2021
Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) ngayong Martes na naghain na ang Chinese firm na Sinopharm ng kanilang aplikasyon para sa emergency use authorization (EUA) sa COVID-19 vaccine.
“There was an online application filed yesterday afternoon. Our officers are now checking the contents of the submission,” ani FDA Chief Eric Domingo.
Kahapon, inanunsiyo ni Presidential Spokesman Harry Roque na isinumite na ng Sinopharm ang kanilang application subalit ayon kay Domingo, hindi pa niya ito makumpirma.
Matatandaang sinabi ni FDA chief na kinakailangan ng ahensiya ng apat hanggang anim na linggo para ma-evaluate ang Sinopharm vaccine dahil sa kakulangan nito ng approval mula sa stringent regulatory authorities (SRAs) gaya ng US FDA o ng World Health Organization (WHO).
“Depende na lang kung in the meantime, kung in between ng application nila ay magkaroon sila ng ganu’n, ng US FDA (approval) o kaya sa UK o kaya itong mga Asian countries na alam nating stringent sila o sa WHO,” ani Domingo sa isang interview.
Binanggit naman kamakailan ni Roque na mas gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na maturukan ng Sinopharm vaccine.
Gayundin, sa naganap na ceremony ng pagdating ng 600,000 Sinovac doses noong Linggo, sinabi ni Pangulong Duterte na personal niyang hiniling ang supply ng isang COVID-19 vaccine subalit hindi niya binanggit ang pangalan nito.
Ayon pa sa 75-anyos na Pangulo, nais din ng kanyang doktor na isang Chinese vaccine brand ang ibigay sa kanya subalit hindi siya kuwalipikadong tumanggap ng Sinovac shot dahil sa maaari lamang itong gamitin ng mga malulusog na indibidwal na nasa edad 18 hanggang 59.
“Ako naghingi ako, personal. Wala silang stock. Nanghingi ako para sa pamilya ko pati sa akin. I do not know if we would have enough vaccines for everybody, but I think I can accommodate itong Cabinet members,” ani P-Duterte.
Commenti