ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 4, 2023
Sa paglipas ng panahon, unti-unti nang natatanggap ang salitang ‘kamote rider’ na madalas ay naririnig natin sa mga radio broadcasters, kapwa natin ‘kagulong’ at iba pang kababayan, partikular ang naiinis sa isang nagmamaneho ng motorsiklo.
Pero ano ba talaga ang ibig sabihin ng ‘kamote rider’, at bakit madalas na natin ito ngayong naririnig at marami sa ating mga ‘kagulong’ ang ayaw na ayaw mabansagang ‘kamote rider’? Sa totoo lang, ako mismo ay tutol na tinatawag na ‘kamote rider’ ang ating mga ‘kagulong’.
Hindi natin alam kung paano nagsimula ang katagang ‘kamote rider’, ngunit lumalabas na kapag binanggit ito ay tumutukoy ito sa mga may hindi sapat na kaalaman sa pagmamaneho ng motorsiklo.
Ngunit katulad ng mga salitang ‘palpak,’ ‘makulit’ at marami pang iba, dahil madalas ginagamit ng ating mga kababayan ay naging isang normal na salita na at mismong ang Tagalog Dictionary ay opisyal na itong ginagamit at may sarili nang kahulugan.
Negatibo ang ibig sabihin ng ‘kamote rider’, ngunit paano maiintindihan ng isang nagmamaneho ng motorsiklo na sila ang pinatutungkulan nito kung wala namang inilalabas na panuntunan kung ano ba talaga ang ibig sabihin nito?
May mga motorcycle magazine at iba pang panulat ang naglabas ng mga paliwanag kung ano ang ibig sabihin ng ‘kamote rider’, Ngunit muli, mananatili lamang itong opinyon o haka-haka dahil wala namang opisyal na panuntunan kung sino ang ‘kamote rider’.
Ayon sa sabi-sabi, may mga sintomas ang isang ‘kamote rider’ at kung sa tingin mo ay kabilang ka sa mga sabi-sabing ito, makabubuting isaayos ang pagmamaneho para hindi tayo mapabilang sa tinatawag na ‘kamote rider’.
Una, sila umano ang mga nagmamaneho ng motorsiklo na ang tingin sa mga kalye ay racetrack, sila ‘yung kung lumiko ay ibinababa pa ang tuhod malapit sa kalye at halos dapang-dapa na kung lumiliko sa kurbada at kapag sumemplang ay agad na sinisisi ang sinumang kasabay sa kalye.
Ikalawa, sila umano ‘yung palaging umaangil ang motorsiklo habang nakahinto sa mga stop light at bago pa man mag-berde ang go signal ay umaarangkada na at halos tumayo na ang unahang gulong ng motorsiklo dahil sa lakas ng arangkada.
Ikatlo, karaniwan umano sa mga ito ay walang protective gear, ayaw nilang gumamit ng kahit ano’ng magbibigay ng proteksyon sa kanilang katawan, lalo na ‘yung mga ayaw magsuot ng helmet dahil wala naman umanong laman ang mga ulo na kailangang protektahan.
Ikaapat, sila umano ‘yung pakiramdam nila’y minu-minuto ay hinahamon sila ng karera ng kapwa nila nakamotorsiklo, kaya wala silang pakialam kung kaliwa o kanan ang kanilang puwesto, basta ang mahalaga ay maka-overtake sila.
Ikalima, dahil kamote umano ang pag-iisip, kapag nakakakita ng mas malalaking motorsiklo ay agad na binibirit ang minamaneho nilang motorsiklo upang maka-overtake at ipakita na wala sa laki ng motorsiklo ang pagmomotorsiklo.
May isang magazine pa na naglabas na ang isang ‘kamote rider’ umano ay ‘yung mga nagkakabit ng kung anu-anong racing stickers sa kabila ng napakabagal ng kanilang gamit na motorsiklo tulad ng Repsol sa Yamaha na ayos lang naman, Akrapovic sa open pipe at Brembo sa drum brakes.
Wala namang malaking problema sa mga racing stickers na ito na nakakaaliwan lang ikabit ng ating mga ‘kagulong’ sa kani-kanilang motorsiklo, ngunit sa iba ay ‘kamote rider’ na ang tingin sa mga gumagawa nito.
Kaya lumalabas na ang katagang ‘kamote rider’ ay depende sa nagsasalita kaya wala itong bisa dahil wala namang aamin sa mga nagmomotorsiklo na sila ay kabilang sa mga ito.
Marahil ay napapanahon na para maglabas ng opisyal na guidelines ang Land Transportation Office (LTO) kung anu-ano ang tamang pagmamaneho ng motorsiklo at ang lalabag dito ay kumpirmadong ‘kamote rider’.
Masakit kasi na lahat na lamang ng ating mga ‘kagulong’ ay inaakusahang ‘kamote rider’ na walang basehan at basta-basta na lamang binabanatan kahit wala namang katotohanan.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments