ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 30 , 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Mary Jane na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Gusto kong malaman kung ano ang kahulugan kapag nanaginip ng singsing? Ngayong umaga, nanaginip ako na nasa isang lugar ako na maraming nagtitinda sa lapag. Nakaupo ako at nasa aking kandungan ang isang singsing na panlalaki na silver at sabi ko sa sarili ko, “Saan ito nanggaling?” Naisip ko na baka sa kinain kong bulalo dahil nakita kong parang galing sa nilutong ulam ang singsing.
Tapos, may umiikot na tumitingin ng mga alahas kung tunay o hindi, at napatingin ako sa kandungan ko at sabi ko, “Patingnan ko kaya ito?” Kaya lang, nawala na ‘yung tumitingin ng singsing.
At sa panaginip ko, napunta ako sa manugang ko. Naglilipat sila ng bahay at nakita ko ang bahay na pangkaraniwan lang at hindi sementado ang paligid, tapos tiningnan ko at may mga kurtina pero kulang pa. Sabi ko sa manugang ko, “Medyo maraming kurtina ang mailalagay dito.”
Tapos, bago ako magising sa panaginip ko, parang kasama ako roon, bata pa ako sa panaginip at may dumating na lalaking medyo may edad na, pero parang may kaya sa buhay. Siya ang susundo sa amin, tapos may kasama akong aalis pero mauuna ako at sabi ng nanay ko, mauna na ako. May naghihintay sa amin na sasakyan. Iyak ako nang iyak at yakap-yakap ko ang nanay ko at sabi ko, “Mama ko, mahal na mahal ko kayo!” Sa panaginip ko, bata pa ang nanay ko pero matagal na siyang patay.
Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip kong ito?
Naghihintay,
Mary Jane
Sa iyo, Mary Jane,
Ang singsing sa panaginip mo ay sumisimbolo ng bagong mga kabanata ng buhay mo na darating sa iyo kung saan ang sabi ng panaginip mo, habang abala ka sa paghahanapbuhay, magdaratingan ang maraming magagandang pagkakataon.
Ang mga kakilala mo at malalapit sa iyo ay makikitang hindi agad-agad maniniwala na papaganda ang buhay mo, kumbaga, patuloy silang mag-aalinlangan kahit kitang-kita nila ang mga paunang palatandaan.
Nagbabalita rin ang panaginip mo na dahil gaganda ang kapalaran mo, gaganda rin ang lahat ng nasa iyo, kabilang dito ang bahay, buhay-pamilya at iba pang mga personal na aspeto ng buhay mo.
Kaya iyak ka nang iyak sa panaginip ay dahil sa pagkakaroon mo ng bagong magandang buhay, parang ayaw mo ring iwanan ang iyong nakaraan at kasalukuyan. Kaya lang, sabi ng panaginip mo, ang mga ito ay noon pa nakatakda na maganap sa buhay mo. At dahil nakatakda, ibig sabihin, ayaw mo man o kahit nag-aalinlangan ka, tuloy pa rin na guguhit sa iyong kapalaran ang nasabing pagbabago – isang pagbabago patungo sa tiyak na pag-unlad.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments