@Editorial | October 18, 2021
Kasunod ng pagbaba sa Alert Level 3 ng National Capital Region (NCR), may mga alkalde na nag-aalangan.
Kaugnay nito, una nang nagpahayag ang ilang lungsod na hindi ipatutupad ang general policy na pinapayagan nang lumabas ang lahat ng edad.
Una nang lumabas sa ulat na pinagbabawalan pa ring makalabas ang mga bata, senior citizens at maging ang mga mayroong comorbidities sa Valenzuela, Quezon City, Pateros, San Juan at Parañaque.
Bagama't sa sa San Juan ay pinapayagan naman ang mga bata na lumabas pero para lamang sa essential activities.
Kung hindi magkakaroon ng single policy, posibleng malito at magkagulo ang mga residente ganundin ang mga tagapagpatupad ng batas.
Kaya tama na magpulong muna ang mga alkalde at subukang magkaroon ng iisang panuntunan.
Mahirap na may kani-kanyang polisiya ang mga local government units (LGUs).
Tila nagkaroon pa ng isyu sa ginawang pagbababa sa Alert Level 3 sa NCR, nang sabihing hindi umano kinonsulta ang mga alkalde sa nasabing desisyon, kaya marahil umaapela ang iba sa kanila.
Sana ay maging maayos na ang lahat, maiwasan na sana ang malabong usapan. Kung tayong mga nasa posisyon ay 'di nagkakaintindihan, paano natin pangungunahan ang ating nasasakupan?
Para naman sa mga bata at matatanda na naglabasan na, huwag pasaway at laging sundin ang mga protocols laban sa COVID-19.
Huwag magpabaya, hinay-hinay sa gala at laging mag-ingat.
Kommentare