top of page
Search
BULGAR

Single mom na ubos ang mana at nahaharap pa sa demanda

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | October 17, 2022


Dear Sister Isabel,


Kakamatay lang ng tatay ko at ang sabi ng mga kapatid ko, ako na ang mag-asikaso ng death benefits na makukuha naming magkakapatid. Pero dahil pahirapan, hindi ko ma-claim at nagpresinta ang kapatid ko siya na ang mag-aasikaso. Bagama’t may nakuha kami, napakaliit ng ibinigay sa akin dahil binawas niya raw ang dati kong mga utang sa kanya.


Nagulat ako dahil ang alam ko ay bukal sa loob na tulong ‘yung ibinibigay niya sa akin nu’ng panahong gipit ako, pero hindi, bagkus, utang pala ‘yun. Sa liit ng namana ko, naubos din ito agad.


Samantala, may isa akong anak, pero malayo sa ama niya dahil may asawa ang tatay ng anak ko. Paminsan-minsan lang siya kung tumulong sa amin. Nadagdagan pa ang problema ko dahil nag-away kami ng katulong ko nang sinaktan niya ang anak ko. Special child ang anak ko, kaya sa tindi ng galit ko, siya naman ang sinaktan ko.


Hinawakan ko siya sa braso, pero nagkapasa pala, kaya idinemanda niya ako. Matagal ko na rin siyang pinapaalis, pero ayaw niya namang umalis.


Hindi ko na alam ang gagawin, kaya sana ay mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo.


Nagpapasalamat,

Divina ng Camarines Sur


Sa iyo, Divina,


Lakasan mo ang iyong loob at maging matatag ka sa kalagayan mo ngayon dahil lahat ng problema ay may kalutasan. Lahat ng bagay ay dadaan at lilipas, kaya tiyak na matatapos din ang problemang dinaranas mo sa kasalukuyan.


Sa palagay ko, malaki ang pag-asa mong manalo sa kaso dahil ang sabi mo ay matagal mo nang pinapaalis ang katulong mo, pero ayaw namang umalis, samakatuwid, mabait kang amo, kaya ayaw niyang umalis sa poder mo.


Natural lang naman na sa tindi ng galit mo ay nasaktan mo siya. Kahit sino’ng ina ay magagalit at makakagawa ng hindi kanais-nais kung makikitang minamaltrato ang anak niya na may special needs. Ang sabi mo ay hindi naman matindi ang paghawak mo sa braso niya. Naniniwala akong malulusutan mo ang demanda sa iyo ng katulong mo at aayon sa iyo ang hatol ng hukom.


Kaya huwag ka nang mag-aalala, ipanatag mo ang iyong isipan at taimtim na magdasal sa Diyos na kataas-taasan. Siya ang makapangyarihan sa lahat at alam Niya kung sino ang tama at mali.


Manalangin ka sa Kanya nang buong taimtim at tiyak na ikaw ay Kanyang diringgin.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page