top of page
Search

Single mom na pumatol sa lalaking may sabit, takot mabuking

BULGAR

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | December 13, 2021



Dear Sister Isabel,


Matagal ko nang gustong kumonsulta sa inyo, kaya lang, sobrang abala ako sa pagtatrabaho para mairaos naming mag-iina ang aming araw-araw na pamumuhay.


Lingid sa kaalaman ng mga anak ko, may karelasyon akong may asawa na. Iniwan kasi kami ng aking asawa at sumakabilang bahay na siya.


Pumatol ako sa karelasyon ko ngayon dahil mabait at mayaman siya. Alam kong mali ang ginagawa ko, pero mahal ko siya nang higit pa sa pagmamahal na nadama ko sa dati kong asawa. Ang bumabagabag sa loob ko ay baka matuklasan ng mga anak ko ang bawal na pag-ibig na nangyayari sa buhay ko ngayon. Isa pa, baka matuklasan na rin ng pamilya ng dyowa ko ang relasyon namin. Bagama’t marunong kaming magtago, hindi maalis sa akin ang palaging nangangamba na baka sa wala rin mauwi ang lahat kapag nagkaalaman na ang dalawang panig. Ano ang dapat kong gawin? Hihintayin ko ang inyong kasagutan.


Nagpapasalamat,


Aida ng Camarines Sur


Sa iyo, Aida,


Sa edad mo ngayon, masasabi kong alam mo na ang mabuti at masama. Samakatuwid, hangga’t maaga ay itigil mo na ang pakikipagrelasyon mo sa isang taong may pamilya na. Alam na alam mo na bawal at maling-mali ang ganyang relasyon. Hindi pag-ibig ang nadarama mo kundi dala lang ng pangangailangan mong materyal, pisikal at psychological.


Oo, sa umpisa ay ayos lang dahil may katuwang ka na at may nagmamahal pa kahit may kahati ka sa pagmamahal na ‘yun. Pero kung iisipin mo ang kahihinatnan niyan, sa huli ay ikaw ang lugi at sobra-sobrang masasaktan. Kaya ang maipapayo ko sa iyo, unti-unti mo nang iwasan ang karelasyon mo.


Pag-aralan mo na kung paano tatapusin ang bawal na pag-ibig na pinagsasaluhan n’yo ngayon. Ang pagsisisi ay palaging nasa huli. Gugustuhin mo pa bang mahuli ang lahat bago ka matauhan na mali ang ginagawa mo sa kasalukuyan? Kumilos ka na hangga’t maaga, mag-usap kayo nang masinsinan ng iyong karelasyon. Kapag nahalata niya na umiiwas ka na sa kanya, sa palagay ko ay hindi na niya ipaggigiitan ang sarili niya.


Sa kabilang banda, ikaw naman ay makakatagpo rin ng lalaking walang sabit. Ipagdasal mo lang, tiyak ko na ipagkakaloob ng langit ang iyong kahilingan. Ang mahalaga, lumagay ka sa tamang landas at taas-noong nakakalakad nang walang itinatagong lihim sa iyong pagkatao.


Hindi ba, ang sarap lumakad nang taas-noo at walang itinatago? Sundin mo ang payo ko at natitiyak kong may kaligayahang naghihintay para sa iyo.


Sumasaiyo,


Sister Isabel Del Mundo


0 comments

Recent Posts

See All

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page