ni Mary Gutierrez Almirañez | March 2, 2021
Pinapayagan nang muling magbukas ang mga sinehan simula sa ika-5 ng Marso, alinsunod sa kautusan ng Department of Trade and Industry.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, dahan-dahang papayagan sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ang ilang negosyo na inilipat bilang category 3 mula sa category 4, katulad ng driving schools, sinehan at museums.
Aniya, sa ilalim ng GCQ ay pinapayagan nang mag-operate sa maximum na 25% capacity ang mga tradisyunal na sinehan habang 50% capacity sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ.
Samantala, ang mga social event naman ay pinapayagan hanggang 30% capacity sa ilalim ng GCQ at 50% sa MGCQ areas.
Pinapayagan na ring i-operate hanggang 50% capacity ang mga library, museum, cultural centers, meeting at conventions, limited tourist attractions, at videogame arcades na nasa GCQ at 75% sa mga nasa MGCQ areas.
Dagdag pa niya, ito ang magsisilbing gabay sa pagbubukas ng ilang negosyo na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).
Matapos mailathala at maihain sa UP Law Center ay magiging epektibo na ang bagong memorandum.
Bình luận