ni Imee Marcos - @Buking | August 26, 2020
Saan nga ba nahuhuli ang isda? Eh, ‘di ba nga sa bunganga? Ha-ha-ha!
Ganyan ang nangyari kay Health Sec. Francisco Duque III, na napaamin natin sa Senate inquiry na may sindikato at korupsiyon sa PhilHealth. Oh, ‘di ba, ang bongga!
Nakorner natin ang kalihim at hindi na nakaiwas pa sa ating mababagsik na tanong, mga besh at itinodo na talaga natin ang paggisa para naman madale natin ang info kung talagang may alingasngas sa ahensiya at kung sinu-sino ang mga sangkot. Eh, ilang dekada na yatang nagtagal si Mr. Secretary bilang chairman ng board ng PhilHealth.
Pero silencio ang kalihim sa kontrobersiya, until such time na na-invite siya at nagisa sa Senado na akin namang sinamantala kaya naman, hayun, umamin ang lolo n’yo na malamang meron nga raw korupsiyon sa loob at sindikato sa mga fraudulent claims! Boom panes, huli ka balbon!
Eh, nang tanungin natin siya kung may kasalananan o may pagkukulang si PhilHealth President at Chief Executive Officer Ricardo Morales, huwaw! Tila iwas-pusoy ang kalihim at nagsabi lang na wala raw siyang ebidensiya na direktang mag-uugnay kay Morales sa mga alingasngas sa PhilHealth!
Pa-demure-demure pa ang lolo n’yo sa pagsagot at tablado, aketch sa ibang mga tanong ko, lalo na sa isyu ng bansag sa kanya na “Ninong” siya ng mga dating opisyal ng PhilHealth noong nasa trono pa siya bilang PhilHealth chairman of the board. ‘Di raw niya knows ‘yon? Hmmm…
Dami niyang palusot, hay, eh, kung ako naman ang tatanungin, buking na siya mga amiga!
Eh, kahit ‘yung tanong kung bakit magkaiba ang listahan ng DOH at PhilHealth sa fraudulent claims ng mga ospital, juskoday, halata ang lolo na nagtatakip sisipatin pa raw niyang mabuti ang mga documents at datos. Ha-ha-ha!
Talagang hinihikayat natin ang kalihim na tumulong sa imbestigasyon sa mga pagngungulembat sa pondo sa PhilHealth, eh, sabi nga sa wikang Bisaya, juicekoday, ginoo ko, hurot na ang pondo! Kaya naman, plis lang Sec. Duque, have a heart, don’t save them!
Comments