top of page
Search
BULGAR

Sinasabing pneumonia ang cause of death... PAMILYA NG 14-ANYOS NA DENGVAXIA VACCINEE, NANINIWALANG

BAKUNA ANG IKINAMATAY NG ANAK


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 20, 2021



Ang kirot sa katawan, bagama’t bahagya lamang nararamdaman, kung paulit-ulit naman ay nararapat lamang na hindi isawalambahala. Marahil, ito ay nagpapahiwatig ng karamdaman na kailangang inuman ng gamot at/o dapat isailalim sa kaukulang pagsusuri. Pagkaraan nito at bumuti na ang kalagayan ng katawan at kalusugan, kasiyahan at luwag ng kalooban ang dulot sa taong dating nakararanas ng sakit. Sa pamilya Gelotin ng Cavite, ang simpleng sakit ng ulo ng isang mahal nila sa buhay na si Elizabeth Gelotin ay binigyang-pansin naman kaagad. Bagama’t bumuti ang pakiramdam ni Elizabeth, ang pananakit ng kanyang ulo ay naulit, nagdulot sa kanya ng matinding sakit at isa sa mga sintomas ng naging malubha niyang kalagayan na humantong sa kanyang kamatayan. Ito ang trahedya na patuloy na iniinda ng naulila niyang pamilya.


Si Elizabeth, 14, na namatay noong Agosto 1, 2018, ang ika-77 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Elizabeth ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Masbate noong kalagitnaan ng taong 2017. Siya at ang kanyang kapatid na si Oliver ay iniwan ng kanilang ina na si Gng. Isabel Gelotin sa pangangalaga ng kanilang Ate Aiza Gelotin Sumangit, panganay ni Aling Isabel. Habang naroon ang nasabing magkakapatid, sina Aling Isabel, ang asawa nito at iba pang mga anak ay nakatira sa Cavite mula noong June 2016. Narito ang bahagi ng salaysay ni Aiza hinggil sa pagkakaturok ng naturang bakuna kay Elizabeth:

“Nagwawalis ako noon kaya hindi ko masyadong nabigyang-pansin ang sinabi ni Elizabeth. Wala diumano silang pasok ng hapon na ‘yun dahil sa nasabing pagtuturok ng bakuna kontra dengue. Pagkabalik ni Elizabeth sa bahay, sinabihan akong naturukan siya. Ikinatuwa ko naman na nabakunahan siya kontra dengue dahil alam kong maganda naman ang mabigyan ng bakuna dahil ang mismong mga anak ko ay pinabakunahan ko ng BCG at kontra sa tigdas. Wala naman din kaming nababalitaan pa hinggil sa bakuna kontra dengue dahil wala naman kaming TV sa Masbate kung saan kami nakatira noon nina Elizabeth. Nitong taon lamang, sinabihan kami ng isa naming tiyuhin na huwag kaming basta magpapaturok ng bakuna kontra dengue dahil madaming namamatay ayon sa balita. Noon ko na naalala ang sinabi ng aking kapatid na siya ay naturukan kontra dengue.”


Kinabahan si Aiza sa naalala niyang ‘yun kaya inobserbahan niya si Elizabeth at wala naman diumano siyang kakaibang napansin sa huli. Subalit, noong Mayo at Agosto 2018 ay naganap ang mapait na pangyayari kay Elizabeth na nagsimula lamang sa sakit ng ulo. Narito ang kaugnay na mga detalye:

  • Mayo 20 - Kagagaling lang ni Elizabeth mula sa Masbate; nagreklamo siyang masakit ang kanyang ulo. Masakit din diumano ang kanyang leeg, pinainom siya ng gamot ni Aling Isabel at bumuti naman ang kanyang nararamdaman.

  • Huling linggo ng Mayo - Inubo si Elizabeth at may inilalabas siyang plema na kulay dilaw. Bahagyang bumuti ang kanyang kalusugan pagkatapos siyang painumin ng ng herbal bilang gamot.

  • Agosto 1, alas-6:00 ng umaga - Nagpapadyak siya dahil sa reklamong labis na pananakit ng kanyang ulo. Iniwan siya ni Aling Isabel upang ipaghanda ng pagkain para painumin ng gamot pagkatapos kumain. Subalit, laking-gulat ni Aling Isabel nang makita niyang nakahandusay na si Elizabeth sa sahig na walang malay. Ani Aling Isabel, “Nangingitim ang paligid ng kanyang mga labi at may bumubulang likido na lumalabas sa kanyang bibig. Kaya agad namin siyang itinakbo sa ospital.” Pagkarating nila sa ospital ng alas-8:30 ng umaga nang araw na ‘yun ay nangingitim na si Elizabeth. Sinabihan ang kanyang pamilya na siya ay pumanaw na bago pa makarating sa ospital. Sinabihan ng doktor sina Aling Isabel na may napansin siyang mga turuk-turok sa kamay ni Elizabeth. Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang hindi inaasahang pagpanaw ay Pneumonia (Immediate Cause). Ani Aling Isabel sa pagkamatay ng kanyang anak,

“Napakasakit para sa amin ang biglang pagpanaw ni Elizabeth na isang masigla at malusog na bata. Kaya nakapagtataka ang biglaan niyang pagpanaw. Wala namang ibang naiturok sa kanyang katawan kundi ang sinasabi niyang bakuna kontra dengue.

“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagtuturok ng bakunang ito kay Elizabeth at ng iba pang mga bata. Hindi nila ipinaalam sa amin ang tungkol sa nasabing pagbabakuna. Hindi rin nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng bakuna sa kalusugan ni Elizabeth, kaya naman kami ay napagkaitan ng oportunidad para malaman kung ano ang maaaring idulot nito sa kalusugan niya. Kung hindi nabakunahan si Elizabeth ay nabubuhay pa sana siya ngayon, kaya kinakailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa kanya.”


Dahil sa pagnanais nilang may managot sa kamatayan ni Elizabeth, ang pamilya Gelotin ay lumapit sa Public Attorney’s Office. Ang inyong lingkod, mga kasamang public attorneys at forensic doctors sa kasong ito ay ginagawa ang lahat nang naaayon sa batas at aming mandato upang ang naganap na sinasabing kapabayaan kay Elizabeth ay mabigyan ng katarungan. Ang nangyari kay Elizabeth ay nangyari rin sa katulad niyang mga biktima.


Nawa ang ganitong mga insidente, lalo na sa bata at kabataan ay matuldukan ng katarungan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page