top of page

Sinabihang mag-artista na lang… RENE SALUD, ‘DI PABOR NOON, BOTO NA NGAYON NA MAGING MISS U SI WINWYN

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 4 min read

ni Ambet Nabus @Let's See | Apr. 9, 2025



Photo: Winwyn Marquez - Instagram


Dahil sa matinding bashing ng mga supporters at fans ni Winwyn Marquez at iba pang mga beauconera, nagbigay na ng kanyang kasagutan si Mama Rene Salud.


Bigla kasing lumabas uli via socmed (social media) ang minsa’y naging opinyon ng pamosong fashion designer at beauty queen discoverer tungkol kay Winwyn noong sumali ito sa Binibining Pilipinas noon pang 2015.


Sinabi kasi noon ni Mama Rene na sa tingin niya ay mas bagay kay Winwyn ang mag-artista dahil kapos ito sa height para maging beauty queen. At kahit kaibigan niya ang mga parents nitong sina Alma Moreno at Joey Marquez at siya rin ang discoverer-mentor ng tita nitong si Melanie Marquez.


Para kay Mama Rene, noong mga time na ‘yun, hindi pang-beauty queen ang aura ni Winwyn, although pasok siya sa Top 15 noong 2015 Binibining Pilipinas edition at nanalo pa ng mga minor awards gaya ng Best In National Costume, Miss Talent at She’s So Jag. 


After 2 years, sumabak naman ito sa Miss World-Phils. kung saan nakuha niya ang Reina HispanoAmericana title at sumabak sa naturang pageant sa Bolivia at nanalo nga siya. Siya nga ang kauna-unahang Pinay na nakapag-uwi ng nasabing korona in 2017.


Forward tayo ngayong 2025 kung saan kahit ang mga nanay at transwomen ay pinayagan nang sumali sa Miss Universe, isa nga si Winwyn sa mga nangunguna sa mga kandidata.


Grabe ang reception ng mga tao sa husay niya sa pasarela, sa pagsagot ng mga tanong, and yes, sa pagkakaroon niya ngayon ng mas bonggang aura, energy at kakaibang Pinay beauty.


And this time, appreciated at mas sinasabi na ngayon ni Mama Rene base sa bagong standard at criteria ng Miss Universe, na keri na ni Winwyn ang makipagbardagulan sa Miss Universe 2025.


“Matagal nang panahon ‘yung naging opinyon ko. Mga kaibigan ko sina Alma, Joey at Melanie. ‘Wag naman ninyo kaming pag-awayin. Iba na ngayon ang mga patakaran at reglamento sa Miss Universe at sa nakikita ko naman, pasok na pasok si Winwyn,” bahagi pa ng paliwanag ng bonggaderang Rene Salud sa kanyang vlog.


Sa totoo lang, fan at supporter kami ni Winwyn at feel namin ang pagkakaroon nito ng kakaibang kabutihan, passion at talino at ganda kaya deserve na deserve nito ang bago niyang laban at advocacy. Kung namumuksa man ang kanyang husay sa pasarela at Q&A, hindi naman nakapagtataka ‘yun, ‘no!


Si Mama Rene naman ay matagal na sa industriya at isa siyang institusyon sa kanyang larangan. May karapatan siyang mag-opinyon at i-adjust ito sa panahong iba na ang kalakaran.


Very vivid pa sa amin ang malandi niyang eksena sa Ishmael Bernal classic movie na Salawahan (the original version noong ‘70s) and yes, ‘yun at ‘yun na ang kanyang awra, hitsura, kapayatan, ang kaseksihan at katarayan considering na 40+ years ago na ‘yun! Hahahaha! Eh, ‘di ba, 1979 pa nang manalong Miss International si Melanie Marquez na siya ang naka-discover?

Iba ka, Mama Rene!


 

SPEAKING of which, nakakaloka ang puksaan ng mga boses sa Tawag Ng Tanghalan (TNT) Grand Resbak na nasa semifinals na para sa dalawang Pangkat Alab at Agimat.


After ngang ma-eliminate ang Pangkat Alon at mabigyan uli ng chance sina Arvery at Miah na mapunta sa dalawang pangkat respectively, ang pinagtatapat o pinaglalaban naman ay ang mismong mga members ng bawat pangkat.


Noong Monday, ang paborito naming si Nowi Alpuerto ang tuluyan nang namaalam nang talunin siya ng kapwa ka-Agimat niyang si Aboodi, habang nagbabu na rin si Reymundo sa naging laban nila ni Mark Justo.


Nagbabu na rin si Miah na grand champion pala ng The Clash (TC) sa GMA-7.


Magpapatuloy ang ganyang sistema until this Saturday, kung saan ang mga matitira ang maglalaban-laban uli para sa finals. Tumataginting na isang milyon ang mapapanalunan ng mananalong grand resbaker sa grand finals at sa dami pa ng magagaling na singer sa bawat pangkat, napakahirap pa talagang pumili.

Good thing si Rachel Gabreza ay pumasok na rin at tinalo ang nakatapat nitong si Sheryn na napakagaling din.


May mga samut-saring intriga pa rin ang mga manonood at bashers ng portion ng It’s Showtime (IS) lalo na kay punong hurado Louie Ocampo at Ogie Alcasid.


Though may mga naglabasang bashing noon kay Pops Fernandez bilang never naman daw itong naging kontesera at “so-so” lang ang boses nito, kumpara sa ibang hurado na mga palaban at halimaw, wala namang makakuwestiyon sa isyu ng stage presence at performance ng itinuturing na Concert Queen ng bansa.


Marami ang naghahanap kay huradong Lani Misalucha na mukhang may ibang pinagkakaabalahan, habang si Zsa Zsa Padilla ang nakikita naming kasama nina Ogie, Nyoy Volante, Pops at Sir Louie.


Umuupo pa rin sina Erik Santos at Jed Madela bilang mga hurado na kapalitan yata nina Nonoy Zuniga at Marco Sison.


 

AT dahil Semana Santa na next week, very timely ang ginawang pagsusulong ni Senador Lito Lapid (LL) para sa pagpapalago ng heritage at pilgrimage tourism destinations sa lalawigan ng Cebu at buong bansa. 


Ayon nga sa ating history, sa Cebu unang ginawa ang matatawag na first Catholic mass noong Magellan time (1520s) kaya naman bonggang matatawag ang aksiyon ni Sen. Lapid para sa lahat ng mga Katoliko sa bansa.


Sa kanyang motorcade last weekend, dumaan at ininspeksiyon ng senador ang restoration project sa Nuestra Señora del Pilar complex na pinondohan ng P110 million ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na pinamumunuan ni COO Mark Lapid, katuwang ang National Historical Commission of the Philippines at Cebu Capitol. 


Ang makasaysayang simbahan ay napinsala ng super typhoon Odette noong December 16, 2021. Ayon kay Lapid, pinuno ng Senate Committee on Tourism, layunin ng restoration project na maisaayos at manumbalik ang mga napinsalang bahagi ng simbahan bilang pagkilala sa Cebu na isang heritage and religious tourism destination.  


Madalas na bumibisita at nagdarasal si Lapid sa mga simbahan na kanyang nadadaanan sa motorcade sa iba’t ibang bahagi ng bansa. 


Itinuring ang Cebu bilang isa sa mga haligi ng Kristiyanismo sa Pilipinas at Asya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page