ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Marso 24, 2024
Ngayong araw ginugunita natin ang Palm Sunday o Linggo ng Palaspas bilang hudyat ng pagpasok ng Semana Santa.
Sa araw na ito, inaalala nating mga Katoliko ang matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem bago ang kanyang pagpapakasakit at pagpapapako sa krus ng kalbaryo.
Tinawag itong Linggo ng Palaspas dahil naglatag ang mga tao sa daraanan ni Hesus ng mga dahon at sanga ng palma habang nakasakay sa isang asno papasok ng Jerusalem.
☻☻☻
Ayon naman sa simbahang Katolika, mahalaga ang Linggo ng Palaspas dahil ito ang araw na piniling pumasok ni Kristo sa Jerusalem upang tuparin ang propesiya at harapin ang Kanyang nalalapit na kamatayan.
Bukod dito, inaalala natin ang araw na ito dahil sinisimbolo nito ang pagdating ni Hesus at kalakip nito ang pangakong pagliligtas niya sa atin mula sa kasalanan.
Sabi sa Bibliya, lahat ay nagagalak sa pagdating ni Hesus habang ang iba ay iwinagayway ang mga hawak nilang mga halaman.
Kaya naman maaari nating maituring ang araw na ito na simbolo ng ating taus-pusong pagtanggap kay Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas.
Samantala, ang paglatag at pagwawagayway ng palaspas ay maaaring ihalintulad sa pagtalima ng mga mananampalataya sa kalooban ng Diyos.
☻☻☻
Ang Semana Santa ay panahon ng pagninilay-nilay at pagdarasal.
Dalangin ko na sa buong linggong ito ay maranasan natin ang dakila at walang hanggang pagmamahal ni Hesus na nag-alay ng kanyang buhay sa krus para tubusin ang sanlibutan sa kasalanan at sa kamatayan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Bình luận