ni Lolet Abania | July 3, 2022
Handa na Commission on Elections (Comelec) na ipagpatuloy ang voter registration na magsisimula sa Lunes, Hulyo 4.
“Ang pagpapatuloy ng voters registration ay magsisimula bukas, July 4, 2022 hanggang July 23, 2022... Lunes-Sabado, mula 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m.,” pahayag ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco sa isang radio interview ngayong Linggo.
Tatagal ang registration hanggang Sabado, Hulyo 23, na para sa lahat ng uri ng aplikasyon na in-person nang gagawin.
Ayon sa Comelec, ang mga voter applicants ay maaaring pumunta sa Office of the Election Officer sa kani-kanilang district o city o municipality sa mga nabanggit na petsa mula Lunes hanggang Sabado, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, kabilang na ang mga holiday.
Sinabi ni Laudiangco na target ng Comelec ang mga bagong voters para sa Sangguniang Kabataan (SK) elections na magparehistro sa ibinigay nilang registration period.
“Ang target sa voters registration ay ‘yung mga bagong botante para sa Sangguniang Kabataan (SK)... Ito ‘yung mga magiging 15 years o 15 years old to 17 years old... Kung hindi pa 15 pero magfi-15 [years old] by December 5, 2022, pwede nang magparehistro,” aniya.
Kaugnay nito, ayon kay Laudiangco, ang mga kwalipikadong nag-apply na bumoto para sa regular elections kabilang na ang barangay elections ay iyong magiging 18-anyos na sa Disyembre 5.
“Para naman sa ating regular registration kasama na ‘yung sa barangay dito, ‘yung mag-e-18 years old on or before December 5,” sabi ni Laudiangco. Gaganapin ang barangay at SK elections sa Disyembre 5, 2022.
“Ang boboto sa SK sa December 5, 2022 ay ‘yung 15 to 30 years old; Sa regular barangay election, 18 and above... ‘Yung 18 to 30 years old, dalawang balota ang sasagutan nila dahil saklaw sila ng Barangay at SK elections,” paliwanag niya.
“Nakasaad sa batas na kailangan isagawa ang Barangay at SK elections sa December 5... Hangga’t walang batas para ‘wag itong ituloy, tuloy ang paghahanda ng Comelec,” giit pa ni Laudiangco.
Comments