ni Judith Sto. Domingo @Asintado | April 26, 2024
Delikado at sobrang init ng panahon na ang ating kasalukuyang nararanasan sa bansa na nakapaglalagay sa balag ng alanganin sa kalusugan ng taumbayan at nananawagan ng dobleng atensyon ng pamahalaan.
Maging ang iba’t ibang sektor ng lipunan ay nagsasagawa ng kani-kanilang mga hakbang para maibsan ang epekto ng nakapapasong init, kabilang na rito ang mga paaralang minabuting magklase na muna online.
Ang pinakakawawa na naman dito ay ang mga pinakamahihirap na pamilyang masikip ang tinitirhan, walang bentilador o aircon sa tahanan at nagpapaypay na lamang hanggang sa makatulog sa pagod.
Lahat tayo ay may maaaring maiambag para sa ikabubuti ng taumbayan kahit sa maliit na paraan.
Isa na sa ating hinangaan ang pinag-usapan sa social media tungkol sa isang jeepney driver sa Tarlac na naglagay ng water jug na may kasamang cups para makatulong ibsan ang uhaw ng kanyang mga pasahero sa gitna ng init sa pagbibiyahe.
Sa ibinahaging larawan ni Michaella Nelmida sa social media na ipinost naman ng Tarlac Forum, makikita ang water jug na may nakalagay na label, “Mineral, libreng inumin” sa likurang bahagi ng jeep malapit sa driver. Sa kanyang mensahe, sinabi ni Michaella, “To Kuyang driver, I salute you po for showing care to your passengers. Nawa’y maging isang ehemplo po kayo... May God bless you even more, Kuya...”
Ang ordinaryong puso na may pagmamalasakit sa iba ay higit pa nga naman ang kayang magawa kaysa isip na puno ng katalinuhan ngunit kulang sa paglalaan ng panahon para sa kapakanan ng kanyang kapwa nilalang.
Ang pangkaraniwang Pilipino na kadalasan ay kapos pa ang kinikita sa kanyang pangangailangan ngunit hindi maramot ay higit pa ang kayang magawa kaysa sa nakararangyang negosyanteng ang laging iniisip ay ang higit na pagkita at pagtubo samantalang isinasantabi ang pagtulong kahit may kakayanan.
***
Samantala, isang malalim na pasasalamat sa isang itinuring kong anak na hindi ko kailanmang inasahang balang araw pala ay babalikan niya ako at aking pamilya ng kanyang pagtanaw ng utang na loob at pagmamahal.
Noong bata pa lamang siya hanggang sa magbinata ay nagkasama kami sa gitna ng kanyang pagiging isang atleta. Hindi mabilang ang masasayang panahong aming pinagsamahan, kasama na ang kanyang mga pinagdaanan sa pag-ibig bilang isang kabataan, na hindi naging lingid sa akin bilang kanyang nanay-nanayan.
Ilang taon din kaming hindi nagkita, hanggang sa dinalaw niya ako noong Miyerkules at muling pinasaya, gaya noong araw. Hindi ko akalaing maaalala niya pa ako, dala ang lahat ng makukulay na kuwento ng kanyang buhay, na pinaningning ng kanyang anim na buwang pagsisikap para malagpasan ang mahirap na training ng kanyang propesyon.
Salamat, anak-anakan kong Leo Jeff Prince Orsolino ng Philippine Coast Guard. Masaya ako sa‘yong narating at marami pang mararating sa buhay. Asahan mong lagi akong naririto para sa‘yo tulad ng isang tunay na inang laging nakaalalay sa kanyang anak.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments