ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 6, 2024
O kay tulin ng araw! Parang kailan lang ang Enero, pati ang Araw ng mga Puso at iba pang katangi-tanging mga ganap ng taong ito.
At dahil Setyembre na, siyempre, pagsapit pa lang ng unang araw ng buwang ito, kahit mahigit 100 araw pa ang layo, ay sinisimulan na nating sariwain ang Pasko.
Ilang taon na rin na ang ating bayan ang may pinakamahabang bisperas ng Pasko sa buong mundo. Hudyat nito ang maagang pagpapatugtog sa mga mall o sa radyo ng “Christmas in Our Hearts” at “All I Want for Christmas is You.” Kasama nito ang naglipanang nakaaaliw na mga meme at gif na kinatatampukan ng mga mang-aawit ng dalawang kantang iyon na sina Jose Mari Chan at Mariah Carey.
Bakit nga ba ganito? Trip-trip lang ba o dulot ng komersiyo?
Dala rin ito ng ating likas na kahiligang umangkla sa uso o sumakay sa paborito ng nakararami.
At gusto rin nating maramdaman nang mas maraming beses ang angking saya ng Kapaskuhan o kahit ang kapanglawan ng mga nakalulumbay na awit gaya ng “Merry Christmas, Darling” o “Pasko Na Sinta Ko”.
Posible ring kapalit ang ating maagang Kapaskuhan ng mga wala sa ating pagdiriwang gaya ng pagkakaroon ng snow at snowman, ang pagsusuot ng patong-patong na balabal at iba pang maaaring maranasan sa ibang mga bansang kung saan ang mga ‘-ber’ na buwan ay mas “Brrr…” kaysa sa atin.Anuman ang ugat ng ating mahabang pagdiriwang, nakapagbibigay ng kakaibang mga pagkakataon ang maaga nating paggunita ng Kapaskuhan.
Sa isang banda, pagkakataon ito na lalong ipagbunyi at makapagpasalamat sa ating Mesiyas o Tagapagligtas para sa mga biyaya’t regalo niya sa atin — maliit man o malaki — gaya ng paglamig ng simoy ng hangin at oportunidad na makapiling ang ating mga mahal sa buhay, lalo na kung matagal nang nawalay sa atin.
Puwede ring maagang makapagplano ng posibleng kawanggawa para sa mga kapuspalad, gaya ng mga naninirahan sa mga bahay-ampunan para sa mga bata o matatanda, nang sa gayo’y kanila ring maramdaman ang Kapaskuhan.
Maaari ring gamitin ang panahong ito para sa paghahanda ng parol, Christmas tree, pa-ilaw at iba pang mga palamuti bago pa mag-Disyembre. Makapaghahanda rin nang maaga para sa mga reregaluhan, mga magiging pagtitipon at sa mismong Noche Buena.
Pagkakataon din itong mga buwang nagtatapos sa “-ber” upang makahabol sa pagtupad ng mga binalak noong nakaraang taon na New Year’s resolution o iba pang nais magawa.
Pagkakataon ito, halimbawa, para ma-remem-ber na makumusta nang masinsinan ang tunay na kaibigang marahil ay hindi nakausap sa matagal nang panahon, o kaya’y masariwa ang masasayang alaala ng pumanaw nating mga mahal sa buhay. Kung sakaling hindi pa inaaraw-araw ang pagsubaybay sa BULGAR, aba’y huwag mag-atubili na maging subscri-ber na nito.
Para naman sa mga bisyo ang labis na pag-inom ng alak, panahon na para magbagong buhay at itigil ang pagiging perhuwisyong lasenggo at simulan ang pagiging so-ber.
Kung nais makipagniig sa kalikasan at tahakin ang mga bundok ngunit nag-aalangan, sumali na sa isang mountaineering na grupo at maging clim-ber.
Nais sumapi sa ibang klaseng grupo ngunit nahihiya o nag-aalinlangan sa sariling kakayanan? Maglakas-loob at maging mem-ber na.
Imbes na manahimik kung inaapi o inaalipusta, huwag nang maging walang kibong absor-ber ng ngitngit, lumaban o magpahayag man lang ng saloobin.
Sa bilis ng panahon, ’di natin mamalayan at ’di maglalaon ay nariyan na ang Pasko. Ano ang ating gagawin habang maaga pa?
Sa bandang huli, sa gitna ng maraming bagay sa ating buhay at mundo na walang kasiguruhan, nariyan ang katiyakang maipagdiriwang natin ang Pasko kahit papaano, pati ang kalakip nitong pangako ng pag-ibig, kasiyahan at kapayapaan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comentarios