top of page

‘Simbarangayan’, tularan sana ng iba pang parokya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Apr. 26, 2025



Fr. Robert Reyes

Nasa 15 araw nang walang malay ang barangay captain ng Barangay Bahay Toro sa Project 8, Quezon City. 


Mula ika-5 ng Abril hanggang 20, lumalaban sa ospital ang kapitan del barrio na mahal ng maraming taga-Barangay Bahay Toro. Nakadalawang operasyon na si kapitan at kung anu-ano nang mga ibinibigay na gamot at ‘treatment’ sa kanya para lumakas ito at higit sa lahat, para bumalik ang kanyang ulirat. 


Matindi ang epekto ng stroke na dinanas nito noong hapon ng Abril 5. Mabuti na lang at nasa isang miting siya na malapit sa ospital na pinagdalhan sa kanya. Mula una hanggang huling araw ng kanyang pagkakaospital, kaunti lang ang pinapayagang dumalaw kay kap. At isa ako sa pinapayagan ng mga opisyal ng ospital na dumalaw at dasalan si Kap Jun Ferrer.


Sa hindi inaasahang pagkakataon, bandang alas-3 ng madaling-araw ng Abril 20, Pasko ng Pagkabuhay, tumawag si Charm, ang konsehalang anak ni Kap Jun para ipaalam sa akin na pumanaw na ang kanyang mahal na ama. 


Pagising na rin ako nang tumawag si Charm. Kailangan ko na ring maghanda para sa ‘Salubong’ na gaganapin sa alas-4 ng umaga madaling-araw. Habang naghahanda ako, laman ng isip at puso ko ang Panginoong Hesukristo at ang Kanyang Mahal na Ina at si Kap Jun. 


Napakaganda ng araw ng kanyang pagpanaw. Namatay si Kap Jun sa araw ng muling pagkabuhay ng ating Panginoon. Malungkot man ang buong Barangay Bahay Toro, may tuwang nagpupumilit lusawin ang kalungkutan na humahagupit sa lahat. “Biruin mo, namatay si kap sa araw ng muling pagkabuhay ng ating Panginoon. Mahal talaga ng ating Panginoon si kap.” Ito ang madalas kong naririnig sa buong linggong iyon.


Nang binabalikan natin ang mga nagdaang buwan at ang taong nakasama’t nakatulong si kap sa mga nagdaang sakuna mula bagyo hanggang sunog, maganda ang naging ugnayan ng barangay at simbahan kung kaya’t nabuo at naging matibay ang ‘Simbarangayan’ sa Barangay Bahay Toro. 


Lalo pang tumibay ito nang pumili si Bishop Elias Ayuban, ang bagong obispo ng Diyosesis ng Cubao ng araw ng kanyang pagdalaw sa parokyang pinaglilingkuran ko. Pinili niya ang unang Lunes, Marso 3, 2025. 


Dumating si Obispo Elias bandang alas-6:30 ng umaga. Nagsimula agad ang misa at naroroon si Kap Jun, ang karamihan ng kanyang mga alagad. Makikita ang galak sa mukha ng bagong obispo ng Cubao. At natuwa rin siya sa nabuong magandang ugnayan ng parokya at barangay na sinasagisag ng “Simbarangayan.” 


Nang papaalis na si Obispo Elias, kinausap niya ako at nagbigay ng kuro-kuro aniya, “Maganda ang SimBarangayan ninyo. Sana matularan ito ng lahat ng mga parokya.”

Noon ding gabi ng Linggo, Abril 20, minisahan natin si Kap Jun. Unang araw lang iyon ng oktaba ng Paskuwa kaya mabigat at malalim ang epekto nito sa espiritu o diwa ng misang ipinagdiwang natin noong gabi ng Linggo ng Paskuwa.


Damang-dama ko pa ang malalim na galak at pasasalamat at ng maraming nakiisa noong umaga ng Banal na Salubong. Merong magandang mangyayari sa Barangay Bahay Toro, namatay man ang butihing kapitan, at may mabubuhay na bago sa nasabing barangay.


Unang-una, harinawa matauhan ang maraming taga-Barangay Bahay Toro at maisip nila ang ibig sabihin ng biglang pagkamatay ni Kap Jun.


Pangalawa, alamin at pag-usapan kung anu-ano ang magagandang proyekto na sinimulan ni kapitan at kung paano ito mapagpapatuloy.


Pangatlo, ang pagkakaibigan na naidulot ng pagkabukas naming dalawa ni Kap Jun kaya’t madaling nagkapalagayan ng loob at nagtulungan.


Pang-apat, pag-isipan at seryosohin ang hamon ng “Bagong Pulitika,” serbisyo hindi ayuda, itaas ang dangal hindi sandal sa trapo, tao hindi partido, epektibong plataporma hindi propaganda o pabida lang.


Panglima, palalimin ang tugon ng pakikiisa sa mga maralita sa paglikha ng mga mekanismo ng pakikinig at partisipasyon upang hikayatin din silang mag-ambag sa halip na laging umasa lang.


Pang-anim, palalimin ang bayanihan, pagbubuo at pagpapatatag ng pamayanan na siyang diwa ng ‘Simbarangayan’.


Pampito, palaganapin ang diwa ng indibidwal at kolektibong pananagutan na batayan ng tunay na paglilingkod ninuman maging siya’y opisyal o karaniwang kawani ng barangay.


Pangwalo, magkaroon ng malalim na pagninilay, pag-aaral, panalangin upang makita at matugunan ang hamon ng kamatayan ni Kap Jun sa mismong araw ng pagkabuhay.

Ano ang dapat mamatay sa Barangay Bahay Toro para magkaroon ng bagong buhay, bagong kaayusan, bagong ugnayan sa lahat ng antas ng lugar.


Nawa’y hindi masayang ang iyong nasimulan at ipinangarap kasama ang lahat ng iyong ka-barangay Kap Jun. Paalam at maraming-maraming salamat sa lahat.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page