top of page
Search

Simbang Gabi, start na sa Dec. 16

BULGAR

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 13, 2023


Sa darating na Sabado, Disyembre 16 ay simula na ng Simbang Gabi na kilala rin sa tawag na Misa de Gallo o Mass of the Rooster na nagsimula sa Pilipinas nang dumating ang mga religious missionaries mula sa bansang Mexico noong mid-1600s.

 

Marami sa ating mga kababayan ang naniniwala na kapag nakumpleto ng isang mananampalataya ang siyam na madaling-araw nang pagsisimba ay may kahilingan itong matutupad na nakagawian na sa mahabang panahon.

 

Sa paglipas ng panahon, ang mga nakatalagang pari sa mga simbahan ay pumayag na magsagawa ng misa sa madaling-araw kapag nagsimula nang tumilaok ang manok upang ang mga magsasaka at mangingisda ay maaaring makadalo sa kanilang obligasyon sa relihiyon bago pa magsimula sa kani-kanilang trabaho.

 

Ang kumukuti-kutitap na liwanag mula sa nakasinding parol o Christmas lantern na nakasabit sa bintana ng mga tahanan na nadaraanan patungo sa simbahan ay nagsisilbing gabay para sa mga nais na magsimba ng madaling-araw.

 

Ang Simbang Gabi ay karaniwang ipinababatid sa pamamagitan ng pagkalembang ng kampana, lalo na sa mga rural communities na madalas ay may mga musiko na tumutugtog ng Christmas music na lumilibot sa buong bayan isang oras bago magsimula ang Simbang Gabi.

 

Ayon sa naunang kasaysayan, mismong ang mga nakatalagang pari ang nagtutungo sa mga bahay-bahay at isa-isang kinakatok ang mga pintuan upang isa-isang magising ang mga mananampalataya at sama-samang dumalo sa isasagawang misa.

 

Ang ‘Misa de Gallo’ ay naging isang malaking oportunidad para sa mga maagang misyonaryo na magsagawa ng pagdakila sa Panginoon at naging pagkakataon din ito upang ipaliwanag sa bawat nagsisimba ang kahulugan ng Pasko bilang bahagi ng paghahanda sa muling pagparito ng Messiah.

 

Ayon kay Franciscan priest Andres Rañoa Jr. na ang ‘Simbang Gabi’ ay panahon ng pagpupuri sa Panginoon kung saan ang  mayaman man o mahirap, babae man o lalaki, bata o matanda ay sama-samang dumadalo bilang isang komunidad na naghihintay sa pangako ng Messiah sa muli niyang pagbabalik.

 

Nagkaroon din ng panahon na ang ‘Misa de Gallo’ ay hindi ginunita sa loob ng siyam na taon — mula 1680 hanggang 1689 dahil sa Vatican decree na ipinatupad ni Archbishop Felipe Pardo ng Manila.

 

Ang decree ay ipinatupad din sa Spain, Azores, at Mexico, na nag-ugat sa nakagawian ng mga nagtutungo sa simbahan at sa mga singer na umaawit ng mga kantang sila lamang ang nakakaintindi dahil sa nakagisnan nilang pananalita sa kanilang lugar. 

 

Noong mga panahong iyon, ang pag-awit gamit ang katutubong wika ay pinapayagan sa simula at pagtatapos ng misa at ang pag-awit ng Christmas song sa gitna ng misa ay bihirang-bihirang mangyari.

 

Makaraang pumanaw si Archbishop Pardo, ang mga pari ay muling ipinagpatuloy ang pagdiriwang ng ‘Misa de Gallo’ sa Pilipinas maliban sa  Discalced Franciscans.

 

Ang ‘Misa de Gallo’ ay nagpatuloy sa pagdiriwang kahit noong digmaan sa pagitan ng Spanish at American sa Pilipinas sa panahon ng 19th century at mula noon ay naging tradisyong kultural na ito at naging hudyat ng simula ng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa bawat lugar.

 

May mga nagsasabi rin naman na iba ang kahulugan ng isinasagawang Simbang Gabi dahil panahon umano ito upang magkasama-sama ang buong pamilya, magkakaibigan na masayang nagtitipun-tipon pagtapos ng misa na naging bahagi na ng popular na pagpuri sa Panginoon.

 

Karaniwang nagsisimula ang ‘Misa de Gallo’, ganap na alas-4 ng madaling-araw at ngayon ay may mga karagdagang oras na rin kabilang na ang anticipated mass para sa ilang hindi makakayang dumalo sa madaling-araw.

 

Noong 1953, ang First Plenary Council of the Philippines ay nagsagawa ng pormal na petisyon patungo sa Roma upang hilinging ipagpatuloy ang pagsasagawa ng ‘Misa de Gallo’ na nasa Advent season ng kalendaryo ng simbahan.

 

Pinayagan naman ito sa mga kondisyong dapat ay siyam na araw lamang isasagawa bilang paggunita sa kapanganakan ng Panginoon na magsisimula sa Disyembre 16 – na dapat may kaakibat na taimtim na misa na dadaluhan ng mga mananampalataya.

 

Marso 24, 1961, pinayagan ng Vatican na ipagpatuloy ang naturang pagdiriwang para sa panibagong limang taon ngunit dahil sa kinakitaan ng aktibong pagdalo ang maraming Pilipino sa ‘Misa de Gallo’ kaya pinayagan na itong ipagpatuloy hanggang sa ngayon sa maraming lugar sa mundo.

 

Ganyan kahalaga ang pagsisimula ng Simbang Gabi na para sa maraming Pilipino ay panahon ng pagninilay-nilay, pasasalamat at paggunita sa kapanganakan ng Panginoon.

           

Anak Ng Teteng!

 

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page