ni Thea Janica Teh | November 30, 2020
Inirerekomenda ng mga mayors sa Metro Manila ngayong Sabado sa pamahalaan na i-extend ang general community quarantine (GCQ) sa rehiyon hanggang katapusan ng taon at bawasan ang curfew hours upang makadalo ang mga tao sa Simbang Gabi.
Ayon sa Chairman ng Metro Manila Mayors na si Parañaque Mayor Edwin Olivarez, ito rin ang paraan upang maiwasan ang gatherings sa panahon ng holiday.
Una nang sinabihan ng OCTA Research group ang mga mayors sa Metro Manila na maaaring umabot sa 1,000 kaso ng virus kada araw kung hindi papanatilihin ang community quarantine sa rehiyon.
Dagdag pa ni Olivarez, unti-unti nang nagluluwag sa mga protocol ang ilang malls at pasyalan kaya ito rin ang paraan upang maipagpatuloy pa rin ang paghihigpit at pagsasagawa ng health standard.
Bukod pa rito, napag-usapan din ng mga mayors na gawing 12:00mn hanggang 3:00am ang curfew hours upang makadalo ang mga tao sa Simbang Gabi na magsisimula sa Disyembre 16.
Samantala, ipinagbabawal pa rin ang pagsasagawa ng Christmas party sa rehiyon sa ilalim ng GCQ dahil limitado lamang sa 10 ang maaaring dumalo rito.
Comments