ni Mylene Alfonso | April 26, 2023
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang 90-day extension ng subscriber identity module (SIM) card registration period na deadline ngayong araw, Abril 26.
Ginawa ng Pangulo ang pag-apruba bilang tugon sa panukala ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa pagpapalawig ng SIM registration period sa ginanap na sectoral meeting na pinangunahan ni Marcos sa
Malacañang kahapon kaugnay sa update ng SIM card registration.
Inatasan ni Marcos ang DICT na ipaalam sa publiko ang ginawang pagpapalawig sa registration.
Hanggang nitong Linggo, Abril 23, mahigit 82 milyong SIM cards umano ang naiparehistro, na katumbas ng 49.31% ng kabuuang active SIMs hanggang Disyembre 2022, o 168,016,400 total number ng active SIMs sa bansa.
Nabatid na target ng DICT na 70% ng mga active SIM ang mairehistro sa 90-day extension.
Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, itinakda ang deadline sa mandatory SIM registration ng Abril 26, 2023.
Gayunman, may probisyon sa batas na maaari itong palawigin kung kakailanganin.
Suportado naman ni Sen. Grace Poe, principal sponsor ng batas sa Senado ang desisyon na palawigin ang SIM registration.
Ayon sa Senadora, dapat kumilos ang telecommunications companies at bumaba sa “grassroots” para makapagparehistro maging ang mga nasa malalayong lugar.
Comments