ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | February 2, 2021
Mariing isinusulong ng inyong lingkod ang mandatory registration ng mga prepaid SIM cards para masugpo ang mga gumagawa ng Online Sexual Exploitation of Children (OSEC).
Ang kawalan ng batas sa SIM card registration ang isa sa mga hadlang para sa mga awtoridad upang matugis ang mga child cybersex offenders, lalo na’t sa pamamagitan lamang ng unregistered SIM card ay puwede na silang makagamit ng teknolohiya para maisagawa ang kanilang maitim na balak.
Base sa pag-aaral ng United Nations Office on Drug and Crime noong 2014, ginagamit ng mga child cybersex offenders ang mga disposable prepaid SIM cards para hindi sila matunton.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 176 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act, ang mga gumagamit ng mga prepaid SIM cards ay kailangan nang magsumite ng valid ID at larawan at lumagda sa control-numbered registration form na magmumula sa service provider ng SIM card. Ang National Telecommunications Commission (NTC) ay mabibigyan din ng kopya ng naturang registration form.
Kung inyong matatandaan, nagbabala na tayo noon tungkol sa mga ulat ng mga estudyanteng nagbebenta ng mga malalaswang larawan at mga video upang makalikom ng pantustos sa distance learning. Ayon sa news portal sa sektor ng mga mag-aaral na The Philippine Online Student Tambayan (POST), mga online payment platforms ang ginagamit para sa mga transaksiyong ito.
Base sa non-government organization na International Justice Mission, ang Pilipinas ang pinagmumulan ng pinakamaraming kaso na may kinalaman sa OSEC. Ipinaliwanag ng naturang grupo na mas mataas ng halos walong beses ang mga ulat na natatanggap ng Pilipinas sa referral ng mga kaso kung ito ay ihahambing sa ibang bansa. Ganito na ang sitwasyon bago pa dumating ang pandemya ng COVID-19.
Pero pinalala pa ng pandemya ang suliranin ng bansa sa OSEC. MInsan nang nabanggit ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na mahigit 47,000 ang naiulat na mga transaksiyong may kinalaman sa OSEC. Mas mataas ito sa 19,000 na naitala noong 2019. Ang mga pangkaraniwang edad ng mga nabibiktima ay nasa 11.
Sa pagsugpo ng buong bansa sa child pornography, kailangan nating isulong ang lahat ng paraan upang mapabilis ang pagtugis sa mga kriminal sa likod ng mga karahasang ito.
Kung magiging batas ang pagpaparehistro sa mga prepaid SIM card, mas mahirap na para sa mga traffickers na umaabuso sa kabataan na makapagtago at makatakas. Gawin natin ang lahat para mahuli na ang mga ito at mahinto na ang ganitong krimen at karahasan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments