ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 24, 2025

MAGKALABANG MORTAL NA MAKABAYAN BLOC AT PAMILYA DUTERTE, NAGKAISA SA ISYUNG MGA BLANGKO SA GAA NA PINIRMAHAN NI PBBM -- Ang Makabayan bloc sa Kamara at ang pamilya Duterte ay magkalabang mortal, katunayan nga ay ang Duterte administration ang nagsampa ng kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse and Exploitation laban kay ACT-Teacher Rep. France Castro tungkol sa panghihikayat daw sa mga batang katutubong Lumad na lumaban sa pamahalaan, at sa kabilang banda ay ang Makabayan bloc ang nangunguna sa pagsasampa ng impeachment case laban kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio tungkol naman sa isyung maanomalyang paggasta nito sa kanyang confidential funds.
Ulitin natin ha, magkalabang mortal ang Makabayan bloc at pamilya Duterte, pero sa isang isyu ay nagkakaisa sila laban sa Marcos administration.
Pinatotohanan kasi ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, ang ibinulgar ni ex-P-Duterte na may mga blangko sa mga sections ng 2025 General Appropriations Act (GAA) na nilagdaan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), period!
XXX
DAHIL PINATOTOHANAN NG MAKABAYAN BLOC ANG IBINULGAR NI EX-P-DUTERTE NA MGA BLANGKO SA GAA, LUMABAS NA SI PBBM ANG SINUNGALING, HINDI ANG EX-PRESIDENT -- Nang ibulgar ni ex-P-Duterte na may mga blangko sa mga sections ng 2025 GAA na ayon sa dating presidente ay paglabag ito sa Konstitusyon, agad itong pinabulaanan ni PBBM at sinabihan ang dating pangulo na sinungaling daw.
Pero dahil pinatotohanan ni Cong. Manuel na may mga blangko nga sa nilagdaang 2025 GAA ni PBBM, lumalabas ngayon na siya ang sinungaling, at hindi si ex-P-Duterte, boom!
XXX
HINDI KAYA PATAMA KAY PBBM ANG PANUKALA NI CONG. OLASO NA I-FIRING SQUAD ANG MGA KURAKOT SA GOBYERNO? -- Tatlong araw matapos ibulgar ni ex-P-Duterte noong Enero 18, 2025 na may mga blangko sa mga sections ng 2025 GAA na pinirmahan ni PBBM, agad nagsulong si Zamboanga City 1st Dist. Rep. Khymer Olaso nitong Enero 21 ng panukalang batas na i-firing squad ang lahat ng mga gov’t official, mula presidente pababa hanggang mga kagawad na mapapatunayang gumawa ng katiwalian sa pamahalaan.
Hindi kaya na ang panukalang batas na iyan ni Cong. Olaso ay patama kay PBBM, kasi nga hindi maiiwasan ng taumbayan na mag-isip na may mga taga-Malacañang ang may masamang balak sa pera ng bayan kaya kahit sinasabing may mga blangkong sections sa 2025 GAA ay pinirmahan ito ng Presidente? Period!
XXX
SIM CARD REGISTRATION LAW, PALPAK! -- Sinabi ni Sec. Jonvic Remulla ng Dept. of the Interior and Local Gov’t. (DILG) na hindi raw epektibo ang SIM card registration law dahil marami pa rin daw nang-i-scam gamit ang mga cellphone number ng mga scammer.
Kung ganu’n, inabala lang pala ng batas na iyan ang mamamayan sa pagpaparehistro ng kanilang SIM cards kasi nga lumalabas na iyan palang SIM card registration law ay palpak, boom!
Comments