ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 13, 2021
Kinumpleto ni Emma Raducanu ng Gran Britanya ang kanyang pagwalis ng 2021 US Open Tennis Championship Women’s Singles matapos talunin sa dalawang set si Leylah Fernandez ng Canada, 6-4 at 6-3, sa finals Linggo ng umaga mula sa Arthur Ashe Stadium ng USTA Billie Jean King National Tennis Center sa New York. Sa loob ng dalawang linggo, nasaksihan ang perpektong pag-usbong ng 18-anyos na dalagita mula sa qualifying round hanggang sa kampeonato kung saan hindi siya natalo ng kahit isang set sa loob ng 10 laro.
Umakyat sa 5-2 na lamang si Raducanu sa pangalawang set at handa na mauwi ang tropeo subalit nadulas siya at kinailangan gamutin ang kanyang dumudugong tuhod. Saglit nabuhayan ang pag-asa ni Fernandez at lumapit, 3-5, subalit iyon na ang huling narinig sa kanya at walang nakapigil sa martsa ni Raducanu sa aklat ng kasaysayan.
Pumasok sa laban si Fernandez na paborito sa bisa ng kanyang mas mataas na #73 sa mundo ayon sa pinakahuling ranggo ng Women’s Tennis Association (WTA) kumpara sa #150 na si Raducanu. Ilang bigating seeded players ang tinumba ni Fernandez habang puro mga kapwa unseeded ang mga tinalo si Raducanu.
Gamit ang kanyang bumobombang serbisyo, nakuha ng 5’9” na si Raducanu ang unang set. Nararapat lang na tinuldukan niya ang isang oras at 51 minuto na laban sa pamamagitan ng isang malakas na ace na sinundan agad ng kanyang pagbunyi.
Isa na ang Briton sa pinakabatang kampeon sa 135 taon na kalahok ang kababaihan sa US Open. Tanging ang mga Amerikanang sina Tracy Austin na 16 noong 1979 at Serena Williams na 17 noong 1999 ay mas bata.
Siya rin ang pangalawa mula sa kanyang bansa na nagwagi sa torneo matapos si Virginia Wade noong 1968. Isang kasapi sa International Tennis Hall of Fame, kampeon din si Wade sa 1972 Australian Open at 1977 Wimbledon subalit mula doon ay walang nanalong Briton ng mga Grand Slam hanggang dumating si Raducanu.
Comments