ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov 19, 2024
PINADALO LANG PALA SI EX-P-DUTERTE SA QUADCOMM HEARING PARA ANG MGA STATEMENT SA EJK, MAGAMIT NA EBIDENSYA MISMO LABAN SA KANYA -- Inirekomenda ni QuadComm member Batangas 2nd Dist. Rep. Jinky Luistro na sampahan ng patong-patong na kasong kriminal si ex-P-Duterte kaugnay sa mga naging statement nito sa House hearing noong Nov. 13, 2024 na may kaugnayan sa naganap na extrajudicial killings (EJK) sa bansa noong panahon ng Duterte administration.
Kung ganu’n, kaya pala pilit pinadalo ang ex-president sa House hearing ay para ang mga naging statement nito sa QuadComm hearing ay gamiting ebidensya sa mga isasampang kaso laban sa dating pangulo, tsk!
XXX
MAY DAHILAN SI VP SARA NA DEDMAHIN ANG HOUSE HEARING KASI PINAPLANO PALA NG KAMARA NA IPA-IMPEACH SIYA -- Dahil nga gagamiting ebidensya laban mismo kay ex-P-Duterte ang kanyang mga naging statement sa QuadComm ay lumalabas ngayon na may katotohanan ang sinabi ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na may pinaplanong impeachment laban sa kanya ang Kamara, at marahil isa iyan sa dahilan ni VP Sara kaya nagpasya siyang dedmahin ang imbitasyon sa kanya ng House Committee on Good Governance and Public Accountability.
Sa totoo lang kasi, kung dadalo si VP Sara sa House hearing ay gamitin din sa kanya ang mga magiging statement niya para siya ay sampahan ng kasong impeachment sa Kamara, boom!
XXX
GUBAN AT MARONILLA, DAPAT PAGHARAPIN NG QUADCOMM -- Nakakaintriga talaga ang naging statement ni detenidong former Customs intelligence operative Jimmy Guban sa pagdinig sa Quad Committee ng Kamara sa illegal drugs noong Nov. 7, 2024, na “biktima lang sina Taguba at Tatad, si Collector Maronilla nakalibre, absuwelto, promoted pa,” pero ang mga kongresista ay kataka-takang hindi naintriga.
Ang tinutukoy kasi rito ni Guban ay ang naganap na P6.4 billion shabu shipment noong year 2017, kung saan tanging sina Customs broker-fixer Mark Taguba, consignee Eirene Tatad, bodegerong si Fidel Anoche Dee at Chinese national Dong Yi Shen lang ang hinatulan ng korte ng habambuhay na pagkabilanggo.
Nang ating tingnan ang website ng Customs, isa lang ang Maronilla at ito ay si Customs Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, number 2 man ng ahensya, at dahil nga nakakaintriga ang statement ni Guban, dapat imbitahan din ito (Maronilla) ng QuadComm at iharap kay Guban kung siya ang tinutukoy nitong “Maronilla” at kung ano ang ibig sabihin sa sinabi niyang si “Collector Maronilla ay nakalibre, absuwelto at promoted pa,” period!
XXX
DAHIL SA KAPALPAKAN NG PAGASA, NAOBLIGA ANG MGA GOVERNOR AT MAYORS NA MAGSUSPINDE NG KLASE KAHIT WALA NAMANG BAGYO –Bagama’t totoong may kalakasan ang Bagyong Pepito, ay palpak naman ang data na inilabas ng PAGASA na nagdulot ng takot sa mamamayan sa mga lugar na inilagay nito sa Signal No. 2 at No. 3.
Karamihan kasi sa mga lugar na inilagay sa Signal No. 2 at 3 ay hindi naman binagyo, ang iba nga ay maaraw pa, at dahil sa kapalpakan ng mga taga-PAGASA, naobliga ang mga gobernador at mayor na magdeklara ng suspensyon ng klase kahapon (Lunes) kahit wala namang naranasang bagyo sa kanilang mga lugar, boom!
Comentarios