ni Lolet Abania | April 9, 2022
Nananatiling nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 ang buong Eastern Samar sa Visayas at Dinagat Islands, Siargao at Bucas Grande Islands sa Mindanao ngayong Sabado ng hapon dahil ito sa Tropical Depression Agaton, ayon sa 2PM bulletin ng PAGASA.
Kasalukuyang dumaranas ang mga nasabing lugar ng malalakas na bugso ng hangin at asahan na maaaring magtuluy-tuloy ito sa susunod na 36 oras. Gayunman, sinabi ng PAGASA na magiging bahagya lamang ang banta nito sa mga indibidwal at kabuhayan.
Asahan na ngayong Sabado hanggang umaga ng Linggo na makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas at paminsang matinding pag-ulan sa buong Eastern Visayas, Dinagat Islands, at Surigao del Norte.
Habang ang Masbate, Sorsogon at ang natitirang lugar sa Visayas at Mindanao ay makararanas naman ng mahina hanggang sa katamtaman at paminsang malakas na pag-ulan. Samantala, ala-1:00 ng hapon, namataan ang sentro ni Agaton sa layong 125 kilometers east southeast ng Guiuan, Eastern Samar.
Ang Bagyong Agaton ay may maximum sustained winds na 45 km/h malapit sa sentro, gustiness na aabot hanggang 55 km/h, at central pressure ng 1004 hPa. Subalit, ayon sa PAGASA, ang Bagyong Agaton ay halos nakapirme lamang.
Pinapayuhan naman ang mga residente na maging mapagmatyag sa posibleng pagbaha at landslides. “Under these conditions and considering significant antecedent rainfall, scattered to widespread flooding (including flooding) and rain-induced landslides are expected especially in areas that are highly or very highly susceptible to these hazard as identified in hazard maps,” sabi ng PAGASA.
Comments