ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 17, 2021
Itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TWCS) number 1 sa ilang lugar sa bansa dahil sa Bagyong Bising, ayon sa Severe Weather Bulletin ng PAGASA ngayong Sabado nang umaga.
Ayon sa PAGASA, bukas, April 18 ay makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang Eastern Visayas, Sorsogon, Masbate, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, at Camotes Islands.
Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng pagbaha at landslides dahil sa bagyo.
Nakataas ang TCWS #1 sa central at eastern portions ng Sorsogon (Castilla, Magallanes, Matnog, Juban, Irosin, Bulan, Santa Magdalena, Bulusan, Barcelona, Casiguran, Gubat, Prieto Diaz, Sorsogon City), eastern portion ng Albay (Manito, Legazpi City, Santo Domingo, Malilipot, Bacacay, Tabaco City, Rapu-Rapu, Malinaw, Tiwi), eastern portion ng Camarines Sur (Presentacion, Caramoan, Garchitorena), at Catanduanes.
Sa Visayas naman, itinaas din ang TCWS #1 sa Northern Samar, Samar, Eastern Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, at Camotes Islands.
Sa Mindanao, nakataas ang TCWS #1 sa Dinagat Islands, Surigao del Norte (kabilang ang Siargao at Bucas Grande Islands), at Surigao del Sur.
Samantala, kaninang alas-4 nang umaga, namataan ang mata o sentro ng bagyo sa 705 km Silangan ng Surigao City, Surigao del Norte o 775 km Silangan ng Maasin City, Southern Leyte.
Ang hangin ng bagyo ay may lakas na 175 km/h malapit sa sentro nito at may bugso ng hangin na aabot sa 215 km/h.
Comentarios