top of page
Search
BULGAR

Signal at Boltahe, lalakas ba sa game 4 vs. Gins at LPG?

ni ATD - @Sports | November 25, 2020




Konsentrado ang TNT Tropang Giga at Meralco Bolts na manalo sa Game 4 ng Philippine Cup semifinals upang humaba ang kanilang hininga at lumakas ang tsansa na sumampa sa championship round.


Parehong lubog sa 1-2 serye ang Bolts at Tropang Giga, best-of-five lang ang banatan kaya isang pagkakamali na lang at maliligwak na sila sa PBA bubble.


Katapat ng TNT ang Phoenix FuelMasters sa alas-6:30 ng gabi habang kaharap ng Meralco ang eliminations topnotcher Barangay Ginebra Gin Kings sa alas-3:45 ng hapon, ilalaro ito sa AUF Sports gym sa Clark, Pampanga.


Kailangan nilang manalo upang hindi agad mapatalsik sa bubble, kasama sa guidelines ng PBA na pauwiin na ang mga teams na maliligwak upang mas maging ligtas ang mga tao roon laban sa mapanganib na coronavirus (COVID-19).


Ayon kay TNT head coach Bong Ravena, bistado ng FuelMasters ang kanilang galaw kaya naman gumawa sila ng ibang estratehiya para makatabla sa serye.


"Alam na alam nila mga usual na ginagawa namin. Nasasangga na nila," hayag ni Ravena. "Kailangan naming ibahin suntok, kasi kami nasusuntok nila, salag lang kami ng salag."


Mananatiling huhugot ng puwersa si Ravena kina Jayson Castro, RR Pogoy Troy Rosario at Bobby ray Parks Jr. upang makuha ang inaasam na panalo.


Aminado si Ravena na maraming baon sa opensa ang Phoenix tulad nina Matthew Wright, Jason Perkins, Calvin Abueva, Justin Chua, RJ Jazul, Alex Mallari, RR Garcia at Brian Heruela.


Pero hindi nasisindak si Ravena dahil sa dalawang talo nila ay nakakalamang din sila sa laban, kinakapos nga lang sa endgame. "Kasi nalalamangan kami pero nahahabol at nalalamangan pa namin, eh, so hindi malaking diperensiya," wika ni Ravena.


Inaasahan naman na hindi magre-relax ang Fuelmasters dahil determinado silang sumampa sa finals at makuha ang titulo.


Samantala, kahit humupa na ay maingat pa rin ang galaw ng players sa loob ng bubble upang hindi makaporma muli ang makulit na COVID-19. Patuloy ang pagsunod sa health protocols para hindi na maulit na nagpositibo sa coronavirus ang referee at player ng Blackwater Elite sa kalagitnaan ng bubble. Sa ngayon ay kalmado na ang lahat at nawawala na ang takot sa COVID-19.

0 comments

Komen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page