top of page
Search
BULGAR

Sigaw ng riders sa MMDA: Serbisyo hindi perwisyo

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 22, 2023

Noong nakaraang Sabado ay may isinulat tayong artikulo hinggil sa plano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na papatawan ng multa ang mga rider na sisilong lamang sa ilalim ng footbridge at flyover.


Umusok ang ating telepono at ang ating Facebook account at napakarami ng nakikigalit at nakikisimpatya sa ating isinulat ngunit tila may ibang nagkukomento na titulo lamang ang binasa at hindi ang buong artikulo.


Kaya nais ko lamang linawin na mali talaga na harangan ang kalsada, obstruction ‘yan sa mata ng batas at dapat lamang na mapatawan ng multa ang mga nagsagawa ng obstruction.


Ang hindi ko lamang maintindihan kaya tayo nagtatanong ay kung bakit inuna pa ng MMDA ang anunsyo sa pagpapataw ng multa bago ang mga alternatibong solusyon at iba pang paliwang hinggil sa nais nilang mangyari sa mga rider na sumisilong kapag bumubuhos ang ulan.


Sa totoo lang, bago pa naganap ang pagpupulong ng mga stakeholders noong nakaraang Hulyo 20 lamang para pag-usapan ang mga posibleng solusyon ay nakapagbitaw na ng babala ang kagalang-galang na Acting Chairman ng MMDA na magpapataw na ng multa simula Agosto 1 ng taong kasalukuyan.


Kumbaga, sampung araw na lamang ito mula ngayon at kitang-kita na nagkukumahog ang MMDA at ito ngayon ang pinangangambahan ng mga rider dahil tila masyado nang naaalipusta at hindi nabigyan man lamang ng halaga ang kanilang kalagayan.


Kahit saang anggulo natin tingnan ay buo at nauna na ang pasya ng MMDA na kailangang patawan ng multa ang mga rider na ayaw mabasa at nagiging sanhi ng pagsisikip ng trapiko — bago pa nila lubos na maaksyunan ang mga alternatibong solusyon.

May presyo na nga eh — P500 o baka tumaas pa at hindi biro ang ganitong halaga para sa maraming rider na kaya nagtitiis sa init ng araw at usok ng sasakyan ay para kumita ng ipangtatawid nila sa kanilang mga pamilya na kung hindi kakayod ay hindi kakain.


Hindi lang naman ito ang mga batas-trapiko na kanilang pinagdadaanan araw-araw na kailangan ding magmulta ng mga rider na kanila nang iniinda at ngayon ay madadagdagan pa — na kung maaabuso pa ay talagang anti-poor na at sobrang kaawa-awa na ang ating mga rider.


Nagpaliwanag naman ang MMDA na hindi umano ito anti-poor dahil pinagmumulta nila kahit sino, kahit mayaman man o mahirap basta may paglabag, at binigay pa nilang halimbawa na may hinila silang BMW at Big Bike na patas umano ang trato dahil pareho nilang pinagmulta.


Mawalang galang na sa pamunuan ng MMDA, hindi ‘yan ang anti-poor na ibig naming sabihin kundi ang aplikasyon ng multa sa mahirap man o sa mayaman dahil balewala ang ipinapataw na multa sa may-ari ng BMW o kaya ay Ducati.


Ang iniiyak ng mga ordinaryong rider ay ang isyu hinggil sa pagpapataw ng P500 na penalty dahil napakahirap sa kanila na kumita ng P1,000 sa loob ng isang araw at sana lang ay maunawaan ng MMDA ang pakiramdam ng isang pinagkakaitan ng masisilungan — parehas ba ‘yan?


Hindi naman masama na magpatupad ng bagong panuntunan ngunit kung ang enforcer ay magagawang mag-isyu ng ticket sa mga sumilong na rider — bakit hindi nila unahing ituro muna sa mga rider kung saan dapat sumilong kung meron na, sa halip na agad-agad na mag-isyu ng violation ticket.


Tila nagbalat-sibuyas ang MMDA nang ipahayag natin ang hinanakit ng mga rider at sinabi nilang puro komento na lang at wala namang ibinibigay na solusyon, samantalang mandato nila 'yan, at may sapat na kapangyarihan sila para magpatupad ng solusyon.


Marahil din ay ayaw na nilang maghanap ng solusyon mula sa Kongreso dahil baka hindi nila magustuhan ang ihahain, tulad ng privilege speech kamakailan ng isang mambabatas na kailangan na umanong buwagin ang MMDA.


Ang naglalaro ngayon sa aking isip bilang Representante ay hindi ang ‘ano ang nasa batas’ kundi ‘kung ano ang DAPAT na nasa batas’. Batas na ipinatutupad ng may puso at konsiderasyon — equity at hindi equality.


Para sa kapakanan ng mga motorista, inaasahan nating magiging matagumpay ang MMDA na maresolba ang isyung ito — ngunit umasa kayo na kahit kurap ay hindi namin gagawin sa pagsubaybay sa inyo dahil hangad namin ay tamang serbisyo at hindi perwisyo. Abangan!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page