ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 5, 2021
Imbes na daanan ng mga tao, naging paradahan ng tricycle ang mga sidewalk.
Ganito ang nangyari sa isang kalye sa Maynila, kaya naman halos sa gitna na ng kalsada naglalakad ang mga tao dahil may mga nakaharang sa bangketa.
Dahil dito, tumilapon ang isang 29-anyos na lalaki matapos mabundol ng humaharurot na SUV sa Maynila.
Base sa ulat, makikita sa CCTV footage na halos sa gitna ng kalsada naglalakad ang biktima at isa pang kasama nito dahil sa mga nakaparadang tricycle sa gilid ng kalye at iba pang nakaharang sa bangketa. Hindi nagtagal, nahagip ng SUV ang biktima, tumilapon at tumama pa ang katawan sa isang nakaparadang tricycle.
Gayunman, nanatili pa rin ang mga nakaharang sa gilid ng kalsada sa naturang kalye na kinabibilangan ng mga sasakyan at nagtitinda.
Bagama’t patuloy ang road clearing operation, kapansin-pansin ngang balik na naman ang mga nagtitinda at nakaparada sa sidewalk. Ang ending pala, sayang ang effort at oras ng mga naglinis ng kalsada.
Kaya’t panawagan sa mga kinauukulan, sana ay ipagpatuloy n’yo ang pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa inyong nasasakupan. Hindi porke tapos na ang linisan sa inyong lugar, wa’ paki na kayo sa mga nagbabalikan sa kalye.
Hindi naman kasi magandang tingnan na malinis at maayos nga sa una, pero paglipas ng ilang araw o linggo, balik na naman sa dati. Ang masaklap pa, nagiging sanhi ito ng perhuwisyo sa ibang tao.
Pakiusap din sa taumbayan, ‘wag puro asa sa mga kinauukulan. Magkusa rin tayo dahil hindi sa lahat ng pagkakataon, kailangan pa tayong pagsabihan bago matauhan.
Tandaan na hindi lang ito para sa ating mga sarili kundi sa ating mga kababayan din. Kaya plis lang, maging bahagi tayo ng solusyon sa lahat ng pagkakataon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments