top of page
Search
BULGAR

Side effect na pamamaga ng puso, bihira lang… Moderna vaccine sa edad 12-17, aprub na ng FDA

ni Lolet Abania | September 3, 2021



Inaprubahan na ng gobyerno ng Pilipinas ang amendment ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Moderna COVID-19 vaccine para gamitin sa mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17.


“After a thorough evaluation by our vaccine experts and our regulatory experts in FDA, we approved this Friday the use under EUA of the Moderna vaccine for adolescents aged 12 to 17,” ani Director General Eric Domingo ng Food and Drug Administration (FDA) sa Laging Handa public briefing ngayong Biyernes.


Matatandaang noong Agosto 19, naghain ang Moderna ng aplikasyon para sa kanilang EUA amendment sa FDA.


Subalit, nagbabala si Domingo hinggil sa mga rare cases ng tinatawag na myocarditis sanhi ng Moderna vaccine na aniya ay katulad ng ibang mRNA vaccines na ginagamit na ring bakuna laban sa COVID-19.


Gayunman, sinabi ni Domingo na ang mga kaso ng myocarditis ay isa lamang sa bawat milyon at kadalasan na tinatamaan nito ay mga younger males.


“But definitely with the Delta variant affecting a lot of children, our experts saw that the benefit of using the vaccine outweighs the risk,” sabi ni Domingo.


Sa isang interview, ipinaliwanag ni Domingo na ang myocarditis ay inflammation o pamamaga ng heart muscle, kung saan ito ay nalulunasan naman lalo na kung maagang na-detect.


Nilinaw din ni Domingo na ang Moderna doses na nai-deliver sa bansa ay hindi galing sa mga batches na isinailalim sa imbestigasyon sa posibleng kontaminasyon sa Japan.


Sa tanong kung ang mga 12-anyos hanggang 17-anyos ay maaari nang mag-apply para sa pagbabakuna matapos ang pag-apruba ng gobyerno rito, ayon kay Domingo, ang prioritization ng age groups ay magmumula pa rin sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at sa Department of Health (DOH).


Una nang ipinahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III ang kanyang suporta para sa vaccination ng mga minors laban sa COVID-19, subalit kinakailangan aniya ng sapat na suplay ng bakuna.


Magugunita na binanggit ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. noong Agosto 8 na ang pagbabakuna sa mga kabataan na nasa edad 12-17 ay posibleng simulan ng Setyembre o Oktubre depende sa vaccine supply.


Ayon naman sa FDA, kailangang makapagbakuna ang gobyerno ng karagdagang 12 hanggang 14 milyong indibidwal kapag pinayagan na ng pamahalaan ang vaccination kontra-COVID-19 ng mga kabataan na nasa 17-anyos pababa.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page