ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 19, 2021
Excited kami sa in-announce ni Public Attorney's Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta sa ibinigay niyang thanksgiving party for the members of PMPC at ilang close sa kanyang press people last Thursday na ginanap sa kanyang opisina.
Ibinalita kasi ni PAO Chief na gagawin daw movie ang kanyang life story at mukhang may production outfit nang naghahanda para rito.
Pero dahil pandemic pa raw, baka mga next year na masimulan ang movie, kapag mas maluwag na ang sitwasyon.
Ang daming pangalan na nabanggit ni Atty. Persida nang tanungin namin kung sino ang mga gusto niyang gumanap bilang siya sa kanyang biopic.
Nandiyan sina Bea Alonzo, Bela Padilla, Marian Rivera, Congw. Vilma Santos-Recto, Superstar Nora Aunor, pero mukhang pinaka-bet niya si Ms. Dawn Zulueta na favorite actress pala niya, lalo't ang magiging love interest nito para gumanap na asawa niya ay si Ormoc Mayor Richard Gomez.
'Pag nagkataon, ang gandang material ng biopic ni Atty. Persida para sa pagbabalik ni Dawn sa paggawa ng movies after the pandemic.
Samantala, kahit ang dami-daming kasong hawak ng PAO tulad ng citizenship ni Walter Manuel F. Prescott na tinututukan ngayon ni Chief Acosta dahil sa awa sa ipinade-deport nating kababayan, hindi nagpapabaya ang masipag na head ng Public Attorney's Office at nilawakan pa ang pagbibigay ng serbisyo sa mga kababayan nating nangangailangan.
Kaya ang kanyang Persida Acosta's Legal Advice #PALA LIVE SHOW na napapanood sa Facebook page ni Atty. Acosta tuwing Biyernes, at 2 to 3 PM ay mas pinalakas, mas pinatindi at mas pinaganda sa Season 2 nito na nagsimula na uling umere nu'ng Dec. 3.
More or less ay nasa 2 million ang followers ni Atty. Persida sa kanyang #PALA LIVE SHOW at karamihan dito ay mga kababayan nating OFWs na may mga katanungang legal.
Kaya naman, malaking tulong ang naibibigay ng naturang show lalo na sa mga Pinoy na hindi na makapunta mismo sa opisina ng PAO.
Kaya hindi na kami magtataka na kapag nag-decide talagang tumakbong senador si PAO Chief Atty. Persida Acosta ay mananalo siya lalo't 13 million Filipinos ang kliyente at natutulungan ngayon ng kanilang ahensiya.
Comments