top of page
Search
BULGAR

Shower area sa trabaho, aprub sa mga empleyadong nagba-bike

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 15, 2023



Napakaganda ng ginawang paghikayat ng Department of Health (DOH) sa publiko na gumamit ng bisikleta dahil isa umano itong ‘sustainable, affordable at alternative’ na paraan ng transportasyon alinsunod sa pagdiriwang ng bansa sa World Bicycle Day.


Sa mga hindi nakakaalam, noong Abril 2018 ay idineklara ng United Nations General Assembly ang Hunyo 3 bilang World Bicycle Day bilang pagkilala sa ‘uniqueness, longevity at versatility' ng bisikleta na ginagamit na sa napakahabang panahon.


Mahigit dalawang siglo nang ginagamit ang bisikleta dahil bukod sa napakasimple, mura, maaasahan, malinis at higit sa lahat ay hindi nagbubuga ng usok na nakaaapekto sa kalusugan at kalikasan.


Kung paano natin isinusulong ang mabuting dulot ng motorsiklo sa bansa ay ganito rin natin sinusuportahan ang mga kababayan nating hindi kayang mabuhay nang walang bisikleta sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.


Ang bisikleta ay bahagi rin ng ating sinusuportahan at itinuturing din nating ‘kagulong’ dahil kaisa natin sila sa sakripisyo sa gitna ng kalsada na kailangang bumabalanse muna bago umusad at sa isang pagkakamali ay may naghihintay ding kapahamakan.


Suportado natin ang hakbangin ng bagong pamunuan ng DOH na naglalayong itaas at palawakin ang kamalayan hinggil sa mabuting dulot at benepisyo ng pagbibisikleta kasabay ng paglulunsad nila ng kanilang Active Transport Playbook.


Seryoso ang kampanya ng DOH dahil sa naglaan pa ang ahensya ng P1,150,000 para sa promotion ng Active Transport initiative na ang layunin lamang ay isulong ang pagbibisikleta at paglalakad bilang mabisang paraan upang maibsan ang paglaganap ng mga non-communicable disease.


Bilang Unang Representante ng 1-Rider Partylist ay ibang aspeto natin tinitingnan ang bisikleta dahil nakikita rin natin itong solusyon sa pagluluwag ng daloy ng trapiko, bagama’t halos lahat ay marunong magbisikleta ay napipigilan silang gumamit nito dahil

sa hindi tamang pagtrato.


Sa ibang bansa, tulad sa Taiwan, bawat sentro ng kalye ay may mga nakaparadang bisikleta na huhulugan lamang ng coins ay maaari nang gamitin ng kahit sino at maaaring iwanan kung saan lugar pupunta dahil meron ding paradahan ng bisikleta sa bawat destinasyon.


Hindi rin basehan kung ano ang suot ng nais na magbisikleta, dahil kahit nakasuot ng tuxedo o nakasuot ng gown ay nakikitang nagbibisikleta sa Taiwan at normal itong tanawin sa kanilang siyudad na naglalakihan ang mga establisimyento.


Sa Pilipinas, napakarami ang gumagamit ng bisikleta at mga nais pang gumamit ngunit umiiral ang ‘disadvantage’ kung sasakay ng bisikleta dahil sa hindi gaanong napagtutuunan ng pansin ang pagbibisikleta sa bansa.


Una, kung ang isang nag-oopisina ay gagamit ng bisikleta at nakasuot ng barong o long sleeves na may necktie ay tiyak na manggigitata na ito sa pawis at malamang ay marumi na ang suot na damit bago dumating sa opisina.


Marahil, panahon na para magpasa ng panukalang batas na mag-oobliga sa mga opisina, pabrika o kahit saan mang trabaho na maglagay ng mga ilang pinto ng shower area depende sa laki ng kumpanya upang may paliliguan ang mga manggagawa na pawisan sa paggamit ng bisikleta bago magtrabaho.


Napakarami ng benepisyo ng shower area sa isang opisina o pabrika — lahat magbibisikleta na papasok sa opisina at babaunin na lamang ang uniporme dahil bukod sa nakapag-exercise na, nakatipid pa at hindi na kailangang magdala ng kotse.


Kung ligtas, maayos ang paradahan ng bisikleta at malinis ang paliguan ay hindi malayong marami sa ating mga kababayan ang gagamit na ng bisikleta na bukod sa luluwag ang mga kalye ay makatutulong sa kalusugan ng marami nating kababayan.


Malaki ang pakinabang ng bisikleta, kaya lamang ay hindi natin napagtutuunan ng pansin ngunit kung mabibigyan sila ng sapat na pagkalinga, ligtas na daanan at tamang suporta ay mas marami ang pipiliing magbisikleta na lamang kaysa mabuwisit dahil sa

inip sa bigat ng daloy ng trapiko kung kotse ang minamaneho.


Sa bisikleta, healthy na, libre pa!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page