ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | November 25, 2021
Kung may isang bagay na tumaas ang presyo nitong pandemya, nakagugulat dahil ito ay ang presyo ng mga pets o alagang hayop, partikular na ang mga aso at pusa. Sa katunayan, may bagong terminong sumibol na “pandemic pets” dahil sa pagdami ng mga taong bumili ng mga alagang hayop sa panahon ng pandemya. Supply at demand: mas maraming bumibili ng produkto, mas tumataas ang presyo.
Ngunit sa Amerika, bukod sa pagdami ng bilang ng namimili ng mga alagang hayop, tumaas din ang bilang ng mga nag-ampon ng mga aso, pusa at maging kuneho. Ito ang tinatawag na pet rescue na matagal na ring ginagawa ng ilang pet lovers sa ‘Pinas.
Ayon sa Rover.com, mula sa mga nag-ampon ng alagang hayop, 53% ang kumuha ng aso, 32% ang pusa, at 14% ang nag-uwi ng parehong aso at pusa. 13% ay mula sa grupong bagets o ‘yung millennial.
Sa atin, matagal na ring may mga grupong nag-aasikaso ng pet adoption. Bukod sa walang bayad ang pag-adopt ng alagang hayop, nakatutulong pang magsalba ng buhay.
Karamihan sa rescue pets ay Aspin (Asong Pinoy) o ‘yung tawagin dati ay Askal (asong kalye).
Pero bago isnabin ang aspin, ayon kay Ina Fernandez na rescue coordinator ng PAWSsion Project, mas okay mag-adopt ng aspin at pusakal (pusang kalye) upang makatulong mabawasan ang problema ng ating bansa sa pagdami ng mga inaabandona at minamaltratong aso at pusa.
Mas marami pa ring mas pinipili ang may aso’t pusang may “breed” o lahi. Ngunit ang mga aspin ay walang pinagkaiba sa mga may lahi na aso. Sa katunayan, ang isa sa pinakamayamang Pinoy na si Fernando Zobel at ang alta-sosyedad na celebrity na si Heart Evangelista ay maraming alagang aspin. Ang mga aspin ay mas madali magpakita ng kanilang pagmamahal at pasasalamat sa kanilang amo dahil ang karamihan sa kanila ay dumaan na sa hindi magagandang karanasan sa kamay ng mga dating amo.
Ang aspin ay sinasabing mas madaling pakainin kaysa sa may lahi at mas hindi gaanong alagain dahil kadalasan, ang mga aspin ay may maiikling balahibo na hindi na kailangan nang madalasang grooming.
Sinasabi ring ang aspin ay sadyang matatalino at madaling maturuan at masabihan.
Bukod dito, mas likas na matibay ang kanilang resistensiya.
Ngunit bago mag-uwi ng alagang hayop, isiping mabuti ang paalala ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa malaking responsibilidad ng pag-adopt ng mga alagang hayop.
Siguraduhing may kakayanan hindi lamang pinansiyal, kundi lalo na sa paggugol ng panahon, na maging responsableng magulang sa mga alaga habambuhay at hindi lang habang cute ang mga hayop habang sila ay maliliit. Yes, kayo ay tatayong ina o ama ng mga hayop na inyong iuuwi kung kaya’t ang pag-aaruga ng mga pets — binili man o inampon ay tulad ng pag-aaruga sa mga anak. Sa mga nais mag-rescue o mag-adopt ng alagang aso, maaaring tumungo sa:
PAWSsion Project 1429 Paradise 1 Purok 7, Tungkong Mangga, San Jose del Monte City, Bulacan, North Luzon, Tungkong Mangga.
O, tumawag kay Ina Fernandez sa 09278560842.
Kung kayo o kung kayo ay may kakilalang nakararanas nito, mag-email lamang sa atin sa mathayrikki@gmail.com para sa mga numerong puwede ninyong tawagan, o sumangguni sa crisis hotline numbers ng Department of Health 1553 - Luzon wide landline toll free Globe/ ™ - 0966-351-4518/ 0917-899-8727 Smart/ SUN/ TNT Subscribers - 0908-639-2672
Comments