ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 17, 2023
Napakaraming dahilan para magsimulang gumamit ng motorsiklo ang indibidwal ngunit ang pinakamahalagang dahilan na dapat taglay ng nais maging ‘kagulong’ ay ang katagang ‘riding is fun’.
Mas mabuti kung gustung-gusto talaga ng indibidwal na matutong magmaneho ng motorsiklo at masaya niya itong gagawin kaysa sa mga taong napipilitan lang mag-aral magmotorsiklo kasi kailangan lang sa iba’t ibang kadahilanan.
Una nating talakayin ang mga best beginner motorcycle kabilang na ang bago at segunda-manong motorsiklo na sakto sa budget ng nais matuto at magkaroon ng sariling motorsiklo—kumbaga hinay-hinay lang at huwag pabigla-bigla sa pagpili.
Para kasi maging mahusay na rider, hindi sapat na basta kaya lang paandarin ang motorsiklo na porke marunong gumamit ng bisikleta ay mamaliitin na ang pagbalanse sa motorsiklo na karaniwang nagiging sanhi ng aksidente.
Kabilang din para maging mahusay na rider ay ang makumpleto ang kaalaman sa mga safety tips ng nagmomotorsiklo, palawakin ang kaalaman sa maintenance at higit sa lahat ay ang tamang pag-uugali sa panahon na nakasakay sa motorsiklo.
Kayabangan sa pagmamaneho ang nangungunang sanhi ng aksidente sa bansa at karaniwang nakararanas nito ay ang mga bagito o baguhan pa lamang natututong magmaneho na hindi pa nakararanas ng semplang o aksidente sa pagmomotorsiklo.
Kasabay nang pagdedesisyong magmamaneho na ng motorsiklo ay ang mga kaakibat na legal na obligasyon ng ‘kagulong’, tulad ng pagkakaroon ng driver’s license na dumaan sa tamang proseso at hindi nilakad lamang ng ‘fixer’.
Ibig sabihin, mula sa student permit na iniisyu ng Land Transportation Office (LTO) ay kailangang mag-aral magmaneho kasama ang may professional driver’s license at kapag marunong na ay personal na magtungo sa tanggapan ng LTO upang sumailalim sa eksaminasyon at aktuwal na pagmamaneho.
Huwag matakot sa pagkuha ng lisensya dahil hindi mahirap tulad ng inaakala ng iba at mas buo ang kumpiyansa ng driver na siya mismo ang kumuha ng kanyang lisensya kaysa ipinalakad lamang sa ‘fixer’.
Isa sa pinakamabuting paraan para matutunan ang basic riding ay mag-enroll kahit sa mga Motorcycle Safety Foundation class o regional rider training classes na karaniwang iniaalok sa mga lokal na pamahalaan.
Sa ganitong paraan ay matututunan ng bagong rider ang tamang pagmamaneho, kabilang na ang pagharap sa napakaraming iba’t ibang mga bagong sitwasyon na hindi kayang matutunan sa kapitbahay lamang na ang alam lang ay paandarin ang motorsiklo at bumalanse.
Huwag tayong pumayag na tinatawag tayong ‘kamote rider’ dahil lang sa kawalan o hindi sapat ang kaalaman sa pagmamaneho at kapag kumpleto ang kaalaman ng driver ay hindi siya matatakot kumuha ng driver’s license.
Sa tamang pag-aaral sa pagmomotorsiklo, maging ang paggamit ng motorcycle gear na lubhang napakalahaga ay maiintindihan at higit sa lahat ay iba ang disiplina sa kalye ng nag-aral ng tamang pagmamaneho at kapansin-pansing iba rin kung basta na lamang natuto.
Sa mga nagsisimula, mahalagang magsuot ng dekalidad na motorcycle helmet, gloves, jacket at pares ng boots na magbibigay proteksyon sa bukung-bukong ng mga paa—tingnan ang halaga ng bahagi ng katawan na dapat bigyang-proteksyon bago bumili ng basic equipment para hindi manghinayang sa gastos.
Sa pagpili ng motorsiklo ay mahalaga ang taas, edad, karanasan at bigat ng magmamaneho sa motorsiklo at kung sa kalye nais gamitin ay puwede sa pagpipilian ang cruisers, sportbikes, touring bikes, dual-sport at adventure bike. Sa Off-road naman ay kabilang ang enduro at dirt bikes.
Ilan lang ito sa mga pangunahing dapat matutunan ng mga nais magmaneho o bumili ng sarili nilang motorsiklo at sana ay nakatulong tayo sa mga nagtatanong.
Alalahanin nating gaanoman kabilis o kabagal ang pagmamaneho ng motorsiklo ay wala tayong matatangap na medalya, kaya mas mabuting mag-ingat at sundin ang mga panuntunan para ligtas na makarating sa paroroonan.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments