ni Madel Moratillo | February 20, 2023
Walang problema sa suplay ng pagkain sa bansa. Ito ang iginiit ng consumer group na Malayang Konsyumer kasunod ng kabi-kabilang importasyon ng gobyerno ng iba’t ibang produktong agrikultura.
Ayon sa grupo, ang kartel, hoarders at profiteers na nagtatago sa naaning agri products at nagmamanipula ng presyo nito sa merkado ang tunay na problema.
Kaya apela ni Atty. Simoun Salinas, spokesperson ng Malayang Konsyumer kailangan nang maamyendahan ang Republic Act 10845 o “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016”.
Sa Senado, ilang panukalang batas ang inihain na layong maamyendahan ang Anti Smuggling Law. Kabilang dito ang Senate Bill 1688 ni Senador JV Ejercito at Senate Bill 1812 ni Sen. Lito Lapid.
Pero tinututulan ng grupo ang panukala ni Lapid dahil isiningit dito na maisama sa Anti-Smuggling Act ang tobacco at sigarilyo.
Ayon kay Salinas, mas pabor sila sa panukala ni Ejercito dahil ang target dito ay mga nasa likod ng hoarding, profiteering, kartel at iba pang pang-aabuso sa merkado ng agri products.
Sa ilalim ng panukala ni Ejercito ay ituturing din bilang isang uri ng economic sabotage ang mga ito na may katapat na mabigat na parusa.
Giit nina Salinas at Malayang Konsyumer Convenor Christian Real, ang mga amyenda sa Anti-Smuggling Law ay naglalayong mapabuti ang pagpapatupad nito, subalit dapat ay nakatuon sa mga pagkakasala na direktang apektado ang mga Pilipinong mamimili.
Dagdag pa ni Real, dapat bantayan ding mabuti ng gobyerno ang masyadong mahal na presyo ng mga produktong pagkain na kinokontrol ng kartel at mga mapagsamantalang grupo.
Comments